ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

VP Binay: Opisyal ng Pag-IBIG, nakatatanggap daw ng mga banta sa buhay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakatatanggap umano ng mga pagbabanta sa buhay ang opisyal ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) matapos itong maghain ng kaso laban sa kontrobersyal na property developer na Globe Asiatique, ayon kay Vice President Jejomar Binay. Nitong Miyerkules, sinabi ni Binay, chairman ng Pag-IBIG Board of Trustees, na natatanggap ng kanyang deputy CEO na si Emma Faria, ang mga pagbabanta sa buhay sa pamamagitan ng text message. “Ms. Faria, matapang ka talaga well ok galingan mo lang ang pagiingat baka ma one time ka hero ka na talaga," nakasaad sa text na ipinadala kay Faria. Isa si Faria sa mga pumirma sa reklamo laban sa property developer na Globe Asiatique (GA). Ayon kay Binay, natanggap ni Faria ang kanyang unang death threat nang magdesisyon ang Department of Justice na ihain ang kaso laban sa property developer. Inirekomenda ng DOJ ang paghahain ng kasong syndicated estafa laban sa kina GA president at chief executive officer Delfin Lee, GA officers Christina Sagun at Cristina Salagan, at Pag-IBIG Fund employee Alex Alvarez. Ayon sa Task Force on Securities and Business Scam ng DOJ, mayroong basehan ang alegasyong nagsabwatan ang mga akusado sa "ghost borrowers" scheme, kung saan nakakuha sila ng P6.65 bilyon mula sa gobyerno. Sa naturang sistema, sinasabing gumawa ng mga pekeng account ang Globe Asiatique upang makakuha ng pautang sa Pag-IBIG para sa kanilang Xevera housing project sa Mabalacat, Pampanga. Nauna nang naghain si Pasig Regional Trial Court Branch 167 Judge Ronaldo Mislang ng temporary restraining order (TRO) laban sa DOJ, ngunit ibinasura ito ng Court of Appeals. Matapos nito, muling nakatanggap ng death threat si Faria. “I condemn this act in the strongest possible terms. I urge the PNP (police) and the NBI (National Bureau of Investigation) to take immediate steps to protect Emma Faria and unmask those behind these threats," ani Binay. Iginiit ng pangalawang pangulo na sa kabila ng mga pambabanta, ipagpapatuloy pa rin ng Pag-IBIG ang kaso nito laban sa GA. “We will continue to vigilantly monitor the case and assist the Department of Justice in whatever possible way to ensure that Delfin Lee and his co-accused will face justice," aniya. - Amanda Fernandez, GMA News