Lalaki sa Davao City, balik-kulungan dahil sa pagbebenta ng iligal na droga
Isang lalaki sa Davao City na minsan nang nahuli dahil sa umano’y pagtutulak ng bawal na droga ang muling naaresto ng mga pulis sa katulad na kaso. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, kinilala ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Sta. Ana police na si Celestial Nani. Sinasabing dalawang paketa ng hinihinalang shabu at cash na P1,500 ang nakuha sa suspek. Aminado naman umano si Nani na iligal ang ginagawa niyang pagtutulak ng bawal na gamot ngunit napipilitan siyang gawin ito dahil sa kahirapan. Samantala, isang lalaki rin sa Panabo, Davao del Norte, ang nahuli ng mga awtoridad dahil sa pagbebenta ng iligal na droga. Isang linggo umanong sinubaybayan ng mga pulis ang galaw ng nadakip na suspek na si Danilo Rodian. Nakuha kay Rodian ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P8,000 at markadong pera. Ngunit depensa naman ng suspek, nautusan lang siyang dalhin ang naturang iligal na droga. – FRJ, GMA News