PNoy aminadong nadagdagan ang kayamanan dahil sa mana
Inamin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Miyerkules na nadagdagan ang kanyang kayamanan dahil umano sa natanggap niyang mana sa pumanaw na magulang. Sa panayam ng media sa Catanduanes, hindi matiyak ni Aquino ang halaga ng pagtaas ng kanyang kayamanan pero nakalista naman daw ito sa isinumite niyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nitong Abril 2012. “Baka magkamali ako, hindi ko dala yung kopya ko eh at ma-question pa ninyo ako," pahayag ng pangulo nang tanungin tungkol sa detalye ng kanyang SALN. “There is an increase and the increase primarily is because of the inheritance that I got from both my father and my mother which were finalized in 2011," dagdag pa niya. Kabilang sa naturang mana ay ang pagkakakuha niya sa kanilang bahay sa Times Street, Quezon City, na pag-aari ng kanyang mga magulang na sina dating senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr at dating pangulong Corazon Aquino. “Medyo may mga parang binayaran yung lahat ng inheritance taxes, yung hinati-hati sa aming magkakapatid that will show an increase in the net worth," paliwanag ni PNoy. “My sisters have decided to bequeath their portions to me also. So whereas last year I owned parang a portion, a share of one out of five. Ngayon, parang five-fifths or the entirety is my property and my responsibility," patuloy niya. Noong 2010, umabot sa P50.194 milyon ang itinalang ari-arian ni Aquino sa kanyang SALN, at bahagyang tumaas sa P54.999 milyon noong April 2011. SALN ng mga kongresista Sa Kamara de Representantes, nananatiling epektibo ngayong 15th Congress ang internal rules na ipinatupad ng liderato ng kapulungan noong 14th Congress na nagsasala sa pagpapalabas ng mga opisyal na dokumento, kabilang ang SALN ng mga kongresista. Ito ang napag-alaman matapos subukan ng mga mamamahayag sa Kamara na makahingi ng kopya ng SALN ng mga kongresista sa tanggapan ni Secretary General Marilyn Yap. Sa tanggapan ni Yap, binigyan ng kopya ng Standing Operating Procedure (SOP) No. 02-09 na may petsang August 17, 2009 ang mga mamamahayag patungkol sa pagkuha ng mga opisyal na dokumento sa kapulungan at mga mambabatas. “This standard operating procedure prescribes the policies and procedures on the issuance of photocopies/certified true copies (CTC) as proof of authenticity of administrative or legislative documents in the HREP," nakasaad sa patakaran. Dapat umanong ipadaan sa tanggapan ng Office of the House Secretary General ang sulat kahilingan sa hinahangad na dokumento. Matapos na matanggap ang request, may lima hanggang 10 araw ang tanggapan para aksyunan ito. “The Secretariat personnel of the issuing office interviews the requesting person to determine action on the request; files duplicate in sequential order; forwards original to Service Director," ayon sa patakaran. Pero maaari umanong tumanggi ng mga mambabatas kung hindi nila nais ipagkaloob ang kopya ng dokumentong hinihingi kagaya ng kanilang SALN. “The Head, LAD (Legal Affairs Department) assesses the request; notifies House Member. If favorable, affixes initials below the space provided for SG (Secretary General) and submits request to the OSG for approval. Forwards requests to RMS (Records Management Service). The Head, RMS releases documents to requesting person/party," paliwanag sa naturang patakaran. Gayunman, ilang kongresista ang kusang nagsapubliko ng kanilang SALN gaya nina Quezon Rep. Lorenzo Tañada III, Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, at Akbayan party-list Rep. Arlene Bag-ao. Lumitaw din na si Pinoy boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao pa rin ang pinakamayamang kongresista na umaabot ang kayamanan sa P1.3 bilyon. Sinasabing “pinakamahirap" naman na mambabatas si Anakpawis party-list Rep Rafael Mariano na may ari-arian na umaabot lang sa P46,000. Noong nakaraang taon, inimpeach ng mga kongresista si Chief Justice Renato Corona dahil sa umano'y mga paglabag sa batas kabilang na ang hindi raw paglalagay ng tunay na halaga ng kanyang mga ari-arian sa SALN. -- RP/FRJ, GMA News