ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaing rider patay, 2 kaangkas sugatan sa aksidente sa Bataan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang babaeng rider, samantalang malubhang nasugatan ang dalawa niyang kaangkas matapos sumalpok sa pader ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Pilar, Bataan nitong Huwebes ng madaling-araw. Kinilala ni Senior Inspector Emelito dela Cruz, hepe ng Pilar police, ang nasawing rider na si Cristel Salabillo, 19-anyos, residente ng Brgy. Sta. Rosa, Pilar. Nakaratay naman sa St. Joseph Hospital sa Balanga, Bataan ang mga nasugatang sina May Almario, 17, ng Sta. Rosa, at Renren Puno, 19, ng Balanga City. Nagtamo ng baling buto sa mukha si Puno, habang may malalim na sugat naman sa ulo si Almario. Ayon kay Melani Valor, kasama ng mga biktima, namamasyal sila sakay ng dalawang motorsiklo na may tig-tatlong magkakaangkas nang maganap ang trahedya. “Naisipan naming mag-strolling sa Orion (Bataan) mula sa Balanga ngunit nang pabalik na kami at pauwi, doon nangyari ang aksidente," kwento ni Valor. Sumalpok ang motorsiklong minamaneho ni Salabillo sa pader sa MacArthur Highway sa barangay Sta. Rosa, Pilar. Idineklara siyang dead on arrival sa Bataan General Hospital sa Balanga dakong 2:30 a.m. Ayon kay PO2 Expedito Balan, Pilar police investigator, lumilitaw na mabilis ang takbo ng motorsiklo at nawalan ng kontrol nang makarating sa palikong bahagi ng kalsada kaya bumangga ito sa pader na bakod ng isang tindahan. -- Ernie B. Esconde/ FRJ, GMA News