Zubiri, napatawad na raw ng anak ni Erap
Napatawad na umano ni San Juan City Rep. Joseph Victor “JV" Ejercito si dating Senador Juan Miguel Zubiri, na umanib sa partido ng kanyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada sa Pwersa ng Masang Pilipino (PMP). Si Zubiri ay kabilang sa grupong “Spice Boys" sa Kamara de Representantes na nagsulong ng articles of impeachment noong 2000 laban kay Estrada na nakaupong pangulo nang panahon iyon. “I welcome Migz to PMP," nakasaad sa pahayag ni Ejercito. “I admire his gesture and humility by apologizing to President Erap about the past. That is a very rare trait. He is indeed a gentleman." Ginawa ni Zubiri ang panunumpa sa PMP nitong Huwebes sa Club Filipino sa San Juan kung saan naging alkalde rin noon ang mag-amang Estrada at JV. Hindi nakadalo si Ejercito sa panunumpa ni Zubiri sa PMP dahil may dinaluhang pagtitipon sa Butuan City. Ang pag-impeach kay Estrada ng Kamara ay humantong sa people power revolution hanggang sa tuluyan na itong napatalsik sa Malacanang noong 2001. Pumalit kay Estrada sa Malacanang si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na masugid na kaalyado noon ni Zubiri. Ayon naman kay Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, presidente ng PMP, makatutulong sa kanilang partido ang pag-anib ni Zubiri. “Lumalakas na ang ating partido pulitikal. Ito na ang hinihintay nating simula ng pinapangarap nating pag-unlad ng ating bayan," pahayag ng nakababatang Estrada. Nagbitiw si Zubiri bilang senador noong Agosto 2011, sa harap ng mga alegasyon na nakinabang siya sa dayaan sa Maguindanao kaya nanalong senador noong 2007 elections. Mariing itinanggi ni Zubiri ang alegasyon na sangkot siya sa dayaan at sinabing handa niyang ikampanya sa 2013 senatorial elections ang pumalit sa kanya sa puwesto na si Sen Koko Pimentel. Nauna nang nagpahayag ng pagtutol si Pimentel na makasama niya si Zubiri sa senatorial ticket sa binuo nilang koalisyon ni Estrada at Vice President Jejomar Binay na United Nationalist Alliance (UNA). - RP/FRJ, GMA News