ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bilang ng mga nagka-HIV sa Davao City, posible raw mas mataas pa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umabot sa 42 ang bagong kaso ng mga tinamaan ng Human immunodeficiency virus (HIV) sa Davao City sa unang tatlong buwan ng 2012. Pero paniwala ng isang opisyal ng City Health Office, posibleng mas mataas pa ang bilang na ito. Sa ulat ni Shiela Vergara ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing mula nang bantayan ng Reproductive and Wellness Center ng Davao City Health office ang kaso ng HIV noong 1993, umabot na sa 262 kaso ang kanilang namonitor. Sa nasabing bilang, 29 sa mga nagka-HIV ang pumanaw na. Pinakamarami umano sa nagka-HIV ay nasa edad 25 hanggang 34. Sumunod naman ang mga nasa edad 15 hanggang 24. Posible raw mas mataas pa ang bilang na ito dahil ang ibang may HIV ay nahihiyang ipaalam ang kanilang karamdaman o sadyang hindi nila alam na taglay nila ang nakamamatay na sakit. “We started konti lang. But again, that’s not the real picture. Matagal kasi bago lumabas ang sintomas," ayon kay Dra Jordana Ramiterre. Sa 42 bagong kaso ng HIV ngayong taon, lima sa kanila ang pumanaw na. Sa buong bansa, sinabi ng Department of Health na umabot sa 486 ang bagong kaso ng HIV sa unang tatlong buwan ng 2012. Ang pakikipagtalik nang walang proteksiyon ang lumilitaw na pangunahing dahilan ng pagkahawa sa sakit. -- FRJ, GMA NEWS

Tags: aids, hivvictims