Mga magulang ng HS students na ‘di pinasali sa graduation ng STC-Cebu, kinasuhan ng child abuse
Kinasuhan ng Saint Theresa’s College sa Cebu ng child abuse ang mga magulang ng tatlong estudyante na hindi nila pinayagang makasali sa graduation ceremony noong Marso. Sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, inihayag naman ng mga magulang ng tatlong estudyante na handa nilang harapin ang kaso. Gayunman, nangangamba umano sila sa epekto ng kontrobersiya sa kanilang anak. Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA-Cebu, ipinaliwanag ni Atty. Joan Largo, abogado ng STC Cebu, na nais nilang mailabas ang usapin tungkol sa responsibilidad ng mga magulang sa kanilang anak na pinangangambahan nilang nakakalimutan na. Matatandaan na nitong Marso, hindi pinayagan ng STC na makasali sa graduation ceremony ang lima nilang estudyanteng babae dahil sa kontrobersiyal na mga larawan umano ng mga ito sa Internet. Dahil dito, dumulog sa korte ang mga magulang ng tatlo sa limang estudyante. Bagaman nakakuha ng temporary restraining order ang mga magulang, nagmatigas ang STC na huwag isama sa martsa ang mga estudyante bilang parusa. Sa reklamo naman ng STC, inakusahan nila ang mga magulang ng tatlong estudyante ng pagiging pabaya. Batay umano ito sa mga nakitang larawan sa Internet ng mga mag-aaral na nakitang may umiinom ng alak, mayroon may hawak ng sigarilyo, at mayroon kita ang underwear. Ang naturang gawi ng mga kabataan ay pagpapakita umano na kinukonsinti ng mga magulang imoral at maling gawain ng mga bata. Ang masakit, nang subukan umano ng paaralan na itama ito ay kinasuhan pa sila. Nanindigan din si Largo na tama at hindi mabigat ang naging kaparusahan ng STC sa mga bata na huwag nang pasalihin sa huling aktibidad ng eskuwelahan sa seremonya ng magsisipagtapos. Inihayag naman ang mga magulang ng mga mag-aaral na ginagabayan nila at pinalaki ng maayos ang kanilang mga anak. Bagaman handa silang harapin ang reklamo ng eskuwelahan, nag-aalala sila epekto at trauma na idinulot ng kotrobersiya sa kanilang anak. -- FRJ, GMA News