Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Raymart Santiago and Claudine Barretto to file criminal charges against Mon Tulfo

May 8, 2012 3:38pm



Sa kabila ng takot na nararamdaman, tila hindi natinag ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto sa mga reklamong inihain sa kanila ng nakaaway na beteranong kolumnista na si Mon Tulfo.

Inihain ni Mon ang grave coercion at physical injury complaints laban sa celebrity couple nitong Lunes, May 7, sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Kaugnay nito, nagkaroon ng press conference sina Raymart at Claudine noong Linggso, Mayo 6, sa Red Garlic Bistro, Katipunan, Quezon City.

Dito nila inanunsiyo na magsasampa rin sila ng kaso laban kay Mon.

Ayon kay Atty. Alex Avisado, ang legal counsel ng mag-asawang Raymart at Claudine, “Dahil sinampahan na sila ng kaso, haharapin namin ang kasong isinampa laban sa kanila.

“At hindi lang ‘yon, pinag-aaralan na rin namin ang appropriate and necessary criminal complaints against Mr. Tulfo for physical violence na na-sustain ni Claudine, at emotional violence naman na na-experience ng mga bata, na sa harap nila ay sinasaktan ang kanilang ina."

Karapatan daw ng kanyang mga kliyente na ipagtanggol ang kanilang mga sarili.

Pahayag ani Atty. Avisado, “Sabi ko nga kanina, this is an unfortunate incident. Walang may gusto nito.

“Karapatan din naman nila na depensahan ang mga sarili nila, na mag-file din ng appropriate criminal case against Mr. Mon Tulfo."

Balak nilang isampa ang kaso ngayong araw (Martes, May 8) o bukas (Miyerkules, May 9) ngayong linggo.

CLAUDINE KEEPS SILENT. Bagamat kasama nina Raymart at Atty. Avisado si Claudine na humarap sa media, hindi nagbigay ng anumang pahayag ang aktres hanggang sa matapos ang presscon.

Pinayuhan daw nila ang asawa ni Raymart na huwag nang magbigay ng pahayag para hindi madagdagan ang stress nito na naidulot ng insidente.

Paliwanag ni Atty. Avisado, “We have advised her, pasensiya na po kayo, na huwag munang magsalita. She’s undergoing a lot of stress.

“Siguro kahit sino naman din, kahit kami, kapag kami ang sinipa at sinapak ni Mr. Mon Tulfo, siguro naman mai-stress din."

Isang paraan din daw ito upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon dahil sa maaaring masabi ni Claudine.

Dagdag ng abugado, “May masasabi rin [si Claudine] na maaaring ikagalit ni Mr. Mon Tulfo. We want to pacify as much as possible."

Pero diin niya rin, “Nandiyan na ang kaso, hindi sila aatras.

“Lalaban si Raymart at si Claudine sa kasong ito at magsasampa pa sila ng kaso against Mr. Mon Tulfo."

LEGAL PROCESS. Samantala, ayon kay Atty. Avisado, mainam naman daw at sinunod ni Mon Tulfo ang legal na proseso sa pagresolba ng isyung ito.

Aniya, “It’s a welcome move, ‘yong pag-file, sabi nga naming mga lawyer.

“Buti na rin na nag-file ng kaso si Mr. Tulfo because that shows respect to the legal process.

“Dadaan sa proseso ‘yong nangyari sa kanila ni Raymart. Hindi outside ang pagtutuos nila kundi sa korte.

“Sa huli naman po, ‘yon ang decent thing to do, ‘yon ang tamang venue.

“Ready naman po ang kampo ni Raymart at Claudine na harapin sa korte ang demanda.

“Sana rin po, ready rin si Mon Tulfo na harapin naman ‘yong isasampang demanda laban sa kanya."

“HINDI AKO ANG NAUNA." Sa pagkakataon naman na nakapagsalita si Raymart, muli niyang inulit ang mga nauna niyang pahayag sa iba’t ibang panayam sa telebisyon:

“Hindi po talaga ako ang nauna. Palagi kong ii-stress po ‘yon."

Dagdag ng aktor, “Alam mo, ‘yong katotohanan naman lalabas ‘yan at kakampi ko ang Diyos dito. Nagsasabi po ako ng totoo."

Pagkatapos ay muli niyang inihayag ang ilang mahalagang parte ng pangyayari sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Linggo ng tanghali.

Kuwento ni Raymart, “Siya [Mon] ho ang unang nanuntok sa akin.

“Tinanong ko lang naman siya kung ano ang ginagawa niya.

“Ngumisi siya sa akin at sinuntok at sinipa niya ako.‘Yon lang ho iyon.

“Ang nangyari ho, nakialam siya doon sa nangyari. Nagrereklamo lang po kami doon sa Cebu Pacific dahil doon sa [na-offload na bagahe namin].

“Kung nagtanong lamang po siya, wala namang ganitong klaseng pangyayari."

Ano naman ang masasabi niya sa naunang pahayag ni Mon na noong una’y nakisimpatiya pa siya kay Claudine dahil sa pagrereklamo ng aktres sa nawawala nilang bagahe?

Sagot ni Raymart, “Sinasabi niya po kasi na kinausap niya si Claudine… marami po siyang statements, e.

“Kinausap daw niya si Claudine, kinomfort niya, wala pong nangyari.

"Sinuntok niya po ako kaagad.

“Tinanong ko lang po siya, ‘Sir, ano po ba ‘yang ginagawa n’yo?’ ‘Tapos, ngumingisi siya, tumatawa siya, sinuntok na lang ako."

THE CELL PHONE. Pinabulaanan din ni Raymart ang alegasyon ni Mon na pilit niyang kinukuha ang cell phone na ginamit ng broadcaster upang kunan ng litrato ang pagrereklamo ni Claudine sa isang staff ng Cebu Pacific.

“Hindi po totoo ‘yan!" giit ni Raymart.

“God is my witness, hindi po totoo ‘yan.

“Ilabas ninyo ang CCTV na ‘yan, malalaman ninyo ang katotohanan. Bakit ayaw ilabas po ng Terminal 3, ng airport, di ba?

“‘Yong ginawa niya sa aking panununtok at paninipa, siguro mapapatawad ko siya doon, e.

“Pero ‘yong ginawa niya sa asawa ko at sa mga anak ko, ‘yon ang nakakapagpainit ng ulo ko talaga."

Nagtaka rin daw si Raymart sa naging asal ni Mon nang magkita sila sa himpilan ng airport security pagkatapos ng kaguluhan.

Nag-“Hello!" umano si Mon sa kanilang mag-asawa.

“Bakit? Para saan ‘yon?" tanong ni Raymart.

“Pagkatapos ng away-away, pagkatapos niyang sipain si Claudine, ‘Hello?’

"Na-weird-uhan lang po talaga ako.

“Hindi ko po alam kung bakit niya ginawa ‘yon, kasi ‘yong panununtok niya, hindi po normal ‘yon.

“Hindi ko alam kung nang-iinis siya, iniinis niya kami ulit o ano."

FREEDOM OF THE PRESS. Dahil sangkot ang isang miyembro ng media sa insidenteng ito, hindi naman naiwasan kuwestiyunin ng ilan ang naging reaksiyon ni Raymart sa ginawang pagkuha ng larawan ni Mon habang pinagagalitan ni Claudine ang isang staff ng Cebu Pacific.

May ilang nagkomento na natural lamang ang ginawa ni Mon bilang isang mamamahayag.

Subalit depensa ni Atty. Avisado, “May karapatan ang media personality kung magpapaalam din siya at sasabihin naman niya nang maayos.

“Pero wala naman siyang karapatan na manakit, di ba?

“Ang naging puno’t dulo ng kaguluhang ito ay ‘yong assault ni Sir Mon Tulfo laban kay Raymart at kay Claudine."

THREATS. Bago ang ginanap na press conference nina Raymart at Claudine, tinutukan naman ang mga maaanghang na pahayag ng mga kapatid ni Mon na sina Ben, Raffy, at Erwin Tulfo sa programa nilang T3: Kapatid, Sagot Kita sa TV5 nitong Lunes, Mayo 7.

Pinagbantaan ng magkakapatid si Raymart dahil para sa kanila ay naagrabyado ang kuya nilang si Mon.

Banta ni Erwin kay Raymart: “Ipagdasal mo na lamang na huwag tayong magkrus ng landas."

Sisiguraduhin din daw umano niya na, “Kapag nagpaabot tayo sa NAIA Terminal 1, Terminal 2, Terminal 3, tatamaan at tatamaan ka!

“Wala akong pakialam, pati asawa mo, tatamaan sa akin!"

Akusasyon naman ni Ben: “Mr. Santiago at Ms. Barretto, saksakan kayo ng sinungaling!"

Hinamon din ni Ben ng “last man standing" ang dating action star.

Nang tanungin si Raymart sa presscon tungkol sa pagbabanta ng mga kapatid ni Mon, umiwas na lamang ang aktor na sagutin ito.

Sa halip, sinabi niya, “Alam mo, may nakapagsabi po sa akin na gusto niya akong hamunin ng suntukan.

“Bakit? Hindi naman siya ang kaaway ko. Hindi naman siya ang sumakit sa asawa ko.

“Ang totoo, hindi ko siya inaaway. Sinabi ko na isipin n’yo mabuti ang sinabi niya.

“Kung saktan at sipain ang kanyang asawa, ano ang gagawin niya?

“Parang sa akin, pinoprotektahan ko ang aking mga asawa, ang aking mga anak.

“Siguro natural lang sa isang asawa na ipagtanggol ang kanyang asawa."

Bagamat tumanggi nang magbigay ng komento sina Claudine at Raymart tungkol sa iba pang nasabi ng magkakapatid na Tulfo, hindi naman nila naitago na nakakaramdam din sila ng takot.
Sabi ni Raymart, “Alam mo, siyempre meron, dahil hindi naging maayos. Pero kakampi ko ang Diyos dito.

“Alam nilang totoo ang sinasabi ko dito. Wala akong ginagawang masama."

Sa ngayon, may mga bodyguards na raw na nakabantay sa kanyang mag-iina.

Sasailalim din daw sa isang konsultasyon ang mga anak nina Raymart at Claudine dahil sa trauma na idinulot ng nasaksihan nilang insidente sa airport.

FIGHTING FOR HIS FAMILY. Sa kabuuan ng press conference, ilang ulit nabanggit ni Raymart na nagawa lamang niya ang kanyang inasal sa airport dahil sa pagtatanggol sa kanyang pamilya.

Aniya, “Hindi natin matatanggal ‘yong takot. Pero tama rin ‘yong ginawa ko, e, parang pinoprotektahan ko lang din ang pamilya ko.

“Kahit sinong lalaki naman siguro gagawin ‘yon.

“‘Yon lang ang importante, ginawa ko lang ang tungkulin ng isang ama at isang asawa."

Sa pangyayaring ito, natutunan daw ni Raymart na manindigan kung tama.

“Ang sa akin, sa totoo lang, nasa tama ako.

“‘Yon ang natutunan ko, kung nasa tama ka, ipaglaban mo. ‘Yon lang ang akin." - Nerisa Almo, PEP
Go to comments