ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Radio commentator sa Davao, nakatatanggap daw ng banta sa buhay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang araw matapos na mapatay ang isang mamamahayag sa Mati, Davao del Sur, isa namang komentarista sa radyo na nakabase sa lugar ang nakatatanggap umano ng pagbabanta sa buhay. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang pagbabanta sa buhay ay natanggap umano Lito Labra, komentarista sa dxWM-Sunrise FM sa Mati, dalawang araw matapos naman paslangin ang isang radio reporter sa lalawigan. “P**tang ina ka! Dapat ikaw ang namatay dili si Nestor (Libaton) nga bootan. ‘Tong amigo nimo sa GenSan dapat una ka ato. Sige ka balik-balik sa mining kay wala kay S.O.P., sige lang ug dili ka namo mabaslan naa man kay pamilya," ayon sa NUJP tungkol sa text message na ipinadala umano kay Labra. Sinabi ng NUJP na ikinuwento umano ni Labra na tinalakay niya sa kanyang programa ang usapin tungkol sa illegal mining, illegal logging at ang pagpatay sa reporter na si Nestor Libaton. Nagsasagawa na umano ng pag-iingat si Labra at ipinaalam na rin nito sa pulisya ang natanggap na pagbabanta sa buhay. Gayunman, hindi matukoy ni Labra ang partikular na tao na posibleng nais siyang ipapatay. Pero may natanaggap daw siyang impormasyon na may grupong nais siyang likidahin dahil sa mga pagbatikos niya sa isang kompanya na sangkot sa iligal na pagmimina sa Mati. Pero nang kausapin niya ang isang opisyal ng kompanya na kanyang pinaghihinalaan, itinanggi umano nito na may kinausap silang grupo para ipapatay siya. Sinabi ni Labra na ilang mining firms ang kadalasan niyang pinupuna sa kanyang programa sa radyo dahil sa kanilang iligal na operasyon.— FRJ, GMA News