GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

Sakripisyo ng bulag na ina sa Pangasinan para sa anak

May 12, 2012 6:18pm

Tags: Pangasinan
Maraming kuwento tungkol sa dakilang pagmamahal ng isang ina para sa kanilang anak. Kabilang na dito ang isang ina na walang paningin sa Pangasinan na kinakailangang mawalay ng malayo sa kanyang anak upang matustusan ang pangangailan ng kanyang supling.

Para kay Rosie Agudon, hindi hadlang ang kanyang kapansanan sa paningin para maipamalas niya ang kanyang pagmamahal sa anak at maipakita na isa siyang responsableng ina.

Hindi man niya nasilayan ang anyo ng anak muna nang kanya itong iluwal dahil sa kanyang pagiging bulag, sapat na ang haplos para mawala ang kanyang pagod tuwing sila’y magkakasama.

Sa Dagupan, Pangasinan nagtatrabaho si Rosie bilang masahista, habang naiiwan naman ang kanyang tatlong taong gulang na anak sa kanyang mga kamag-anak sa Nueva Ecija.

Kwento ni Rosie, nagkaroon siya ng pangamba noong nagbubuntis pa lang siya dahil baka maging katulad niyang bulag ang bata. Sobrang pasasalamat niya nang lumaking malusog ang bata.

At dahil madalas magkalayo, lagi siyang nananabik na makasama ang bata tuwing uuwi siya sa Nueva Ecija. Gaya na lamang sa Linggong ito kung saan ipagdiriwang ang Araw ng mga Ina.

“Maam para makita mo lang (ang anak mo) ang saya-saya mo na. Wala na ang pagod, wala na yung hirap," pahayag ni Rosie.

Para kay Rosie, ang pagod niya sa ginagawang pagmamasahe para kumita at may maipangtustos sa anak ay maliit na sakripisyo kumpara sa kaligayahang ibinibigay ng kanyang supling.

Sa kabila ng kanyang kapansanan, lalo pa raw niyang paghusayan ang natatanging tungkulin na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos – ito ay ang maging isang ina. -- Charisse Victorio/FRJimenez, GMA News
Go to comments

Tags: Pangasinan



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus