Corona, hindi raw dapat bastusin kapag sumalang na sa impeachment court
Umaasa ang isang Obispo ng Simbahang Katoliko na hindi mababastos si Chief Justice Renato Corona kapag sumalang na ito sa impeachment trial sa Senado. Sa isang panayam sa radyo, inihayag ni Malolos Bishop Jose Oliveros, ang kanyang pangamba na baka gamitin si Corona ng mga pulitikong nais mag-grandstanding dahil na rin sa nalalapit na 2013 elections. “Dapat mayroon tayong mutual respect sa isa’t isa. Sana pairalin ng mga senator-judge at ng prosekusyon ang respect sa isa’t isa oras na humarap sa impeachment court ang punong mahistrado," paghimok ni Oliveros, chairman ng Episcopal Commission on Bioethics ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. “Sana lang din ay huwag gamitin for political arena ang pagtestigo ni Corona para sa kanilang grandstanding lalo pa’t nalalapit na ang halalan," dagdag pa ng obispo sa naging panayam ng Radyo Veritas nitong Biyernes. Sinabi pa ni Oliveros na ang pagharap sa Senado ay magandang pagkakataon para kay Corona na patunayan na mali at hindi totoo ang mga paratang laban sa kanya. Sakaling hindi umano mapatunayan sa impeachment court ang mga alegasyon laban kay Corona gaya ng mga tagong-yaman at dollar accounts, sinabi ni Oliveros na nararapat na managot sa batas ang mga nagparatang sa punong mahistrado. Iginiit ng obispo na hindi magandang ugali ang magbintang sa kapwa lalo na kung walang maipapakitang sapat na katibayan. Naniniwala naman si Fr. Joe Dizon, lead convenor ng Solidarity Philippines, na napilitan ang kampo ni Corona na iharap sa paglilitis ang punong mahistrado dahil na rin sa naging pahayag ng mga senador na hindi bumilib sa mga iprinisenta nilang testigo sa korte. “Best thing for Corona na humarap sa impeachment court. ‘Yan na lamang ang natitirang paraan ng depensa para makabawi sila lalo na sa usapin ng public opinion. Dahil sa totoo lang, sa public perception ay talo si Corona," ayon kay Dizon sa hiwalay na panayam ng nabanggit na himpilan ng radyo.- MP/FRJ, GMA News