GMA News Online
Showbiz

Glaiza de Castro wants a lead role in her next project

May 13, 2012 4:47pm

Nasa last week na nga ang GMA-7 primetime series na Biritera at isa nga si Glaiza de Castro na nagpapasalamat dahil sa maraming tumutok sa kanilang series.

Pero aniya,“Nakaka-miss din na ikaw yung bida at yung pressure ng show nakasalalay sa iyo."

Hindi nga raw namalayan ng aktres na patapos na pala ang kanilang series kaya nakaramdam siya ng lungkot dahil maghihiwalay na sila ng buong cast.

“Nakakagulat kasi naka-one season na pala kami. Ang bilis ng panahon. Parang kelan lang nag-presscon tayo para sa Biritera. Ngayon magtatapos na pala.

“Naging very close kaming lahat sa show. Kaya nakakalungkot din isipin na magtatapos na kami.

“Abangan na lang nila ang big ending. Isang malaking concert scene ang mapapanood nila at may duet sila Roseanne [Magan] at Dennis [Trillo]. Mapapaiyak kayo sa eksena nilang iyon,” kuwento pa ni Glaiza nang ma-interview namin siya sa set noong nakaraang May 9 sa Dali Restaurant sa Scout Albano, Quezon City.

Kapansin-pansin nga na malaki ang pinayat ng aktres. Dulot raw ito nang sunud-sunod na taping nila.

“Halos naging araw-araw na rin ang taping namin ng Biritera. Bukod nga sa taping, may rehearsals din ako for Party Pilipinas.

“Kahit kasi puyat ako from taping, kailangan kong um-attend ng technical rehearsal. Ayoko ring pabayaan ‘yung ginagawa ko sa Party Pilipinas.

“Tapos meron pa kaming mga regional shows kunsaan-saan. Kaya halos wala na rin pahinga.

“Pero okey lang. Trabaho naman ito at kailangan ready tayo parati. Nakakabawi naman ako sa tulog, e,” sabay ngiti pa ni Glaiza.

BREAK. Since wala pa naman daw na susunod na show si Glaiza, nais nitong magbakasyon muna para makapag-recharge.

“Actually, since Grazilda and Amaya, hindi pa ako nakakapagbakasyon ng bonggang-bongga.

“Right after kasi ng Amaya, sinimulan ko na ang taping ng Biritera. Tuloy-tuloy na iyon kaya hindi naman nakakapagtaka na malaki ang pinayat ko.

“Kaya okey lang na wala pa akong show na bago kasi gusto ko munang makapagbakasyon. Kahit siguro nga two weeks lang.

“Siguro naman after kong makapagpahinga, may susunod na akong work.”

LEAD ROLE. Nais ng aktres na sana mabigyan ulit siya ng pambidang role tulad ng Grazilda. Napatunayan naman niya na kaya niyang maging bida sa sarili niyang drama series.

Mga sumunod kasing mga projects ay bumalik siya sa pag-suporta sa mga bida.

“Siyempre gusto ko rin naman na makagawa ulit ng tulad ng Grazilda. Hanggang ngayon kasi, may mga tumatawag pa sa akin na 'Grazilda.'

“Nakaka-miss din na ikaw yung bida at yung pressure ng show nakasalalay sa iyo.

“Okey naman ang mga roles na binigay nila sa akin. Hindi naman ako choosy pagdating sa trabaho.

“Sa Amaya kasi, ibang-iba siya. Talagang paghihirapan mo ang bawat eksenang gagawin mo.

“Dito kasi, hindi siya kasing bigat ng mga nagawa ko in the past. Tamang-tama lang siya. Nabigyan naman ako ng mga mabibigat na eksena ni Direk Maryo [delos Reyes]. Hindi naman niya ako pinabayaan.

“Pero kung titimbangin mo, light pa rin siya compared sa Grazilda at Amaya. Or kahit sa mga nagawa ko na before na Diva, Stairway To Heaven at Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin.”

LOVE LIFE. Sa personal na buhay naman ni Glaiza, nanatili pa ring loveless ito kahit na matagal nang nababalitang sila na ni Felix Roco.

“Si Felix pa rin talaga?” sabay tawa niya.

“Parang three years ago na ang tsikang ‘yan. Pero siya pa rin ang tinatanong ninyo, ‘di ba?

“Okey naman kami bilang magbarkada. Lately hindi kami nagkakausap or nagkikita. Parang kakatapos din lang niya ng isang teleserye sa kabilang channel [ABS-CBN 2]. Naging busy din naman siya.”

Plano nga ni Glaiza na bumalik sa pag-aaral kung mabigyan siya ng pagkakataon. Gusto nga niyang kumuha ng course on music production.

“Hilig ko naman talaga ng music at naisip ko nga na yun na lang ang course na kunin ko kung magkaroon ako ng time na bumalik sa school.

“Nag-search naman ako sa Internet kunsaan merong school na nag-o-offer ng music production course. Marami naman pala kaya may mapagpipilian ako,” sabi niya.

Gusto rin niyang ang pagiging musical scorer ng mga TV shows at pelikula balang-araw. Gusto rin niyang mag-produce ng music para sa ibang artists at para na rin sa kanyang sarili. PEP.ph
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus