ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
PNoy, dudang kailangang magpagamot sa ibang bansa si Gloria Arroyo
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pinagdududahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang inihayag ng ilang kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na lumalala umano ang sakit ng ngayo'y Pampanga congresswoman at kinakailangan nang magpagamot sa ibang bansa.
“Tandaan natin ‘nung una siyang gustong magpa-treatment abroad ay ‘yung kampo din niya ang nagsabi na urgent, life-threatening, et cetera, na pagkatapos naman po ng pagsusuri ng mga dalubhasa ay napatunayan na hindi urgent, hindi life-threatening,” inihayag ni Aquino sa mga mamamahayag sa Davao City nitong Lunes.
“Ngayon sila rin ang nagsasabi muli. So ano ba ang pinagkaiba ng sinabi nila dati at sinabi nila ngayon?” tanong niya.
Noong Biyernes, inihayag ni Occidental Mindoro Rep. Ma. Amelita Villarosa na "in pain" umano si Gng. Arroyo dahil sa kanyang mga sakit.
Ayon naman sa isa pang kaalyado na si House Minority Leader Danilo Suarez, "sad" umano ang dating Pangulo dahil sa resulta ng kanyang pinakahuling medical examination kung saan nakasaad ang paglubha ng kanyang sakit.
Ayon sa mga ulat, lumala umano ang kondisyon ni Gng. Arroyo matapos umusli sa kanyang lalamunan ang metal plating na inilagay upang magamot ang kanyang sakit sa spine.
Ayon kay Aquino, hihintayin na lamang niya muna ang resulta mula sa doktor at hayaan na lamang ang korte na magdesisyon kung palalabasin ng bansa si Gng. Arroyo.
“Ako po ay aasa doon sa mga dalubhasa. Sila ang magpapayo sa atin (kung) mayroon nga ba talagang problema at hindi ba kaya dito sa Pilipinas,” aniya.
Kasalakuyang humaharap si Gng. Arroyo ng kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court. Hiwalay din niyang ikinahaharap ang kasong graft sa Sandiganbayan naman.
Kapag papayagan ng korte si Gng. Arroyo na magpagamot sa ibang bansa, inihayag ni Aquino na sisiguruhin ng kanyang administrasyon na hindi ipagliliban ang mga paglilitis sa kasong inihain laban sa dating Pangulo.
“Gagawa naman tayo ng kaukulang hakbang para masigurado naman po na hindi mauudlot ‘yung ating sistema ng katarungan, na ma-postpone indefinitely hanggang desisyunan niyang bumalik dito. Syempre kailangan naman nating pangalagaan ang interes ng estado na hindi magta-timeout indefinitely,” aniya.
Nang tinanong kung kanya bang inutusan si Health Secretary Enrique Ona na suriin ang kondisyon ni Gng. Arroyo, inihayag ni Aquino na gagawin lamang ni Ona ang nararapat.
“Secretary Ona doesn’t have to be ordered like other members of the Cabinet. They know what they’re supposed to do and they act on their respective responsibilities and furnish me the proper information as soon as they get it,” aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular