ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ombudsman: Corona, ipinaikot ang kanyang pera sa 82 dollar accounts


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Isiniwalat ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales nitong Lunes sa Senate impeachment court ang umano'y "circuitous fund movements" ng 82 dollar accounts ni Chief Justice Renato Corona sa limang magkaka-ibang bangko.
 
Ayon kay Morales, nagaganap ang transaksyon sa pamamagitan ng paglipat ng mga dolyar sa isang account patungo sa ibang account.
 
Mahigit $10 milyon ang laman ng transactional balances, na kanyang ipinaliwanag bilang "all the money that went through the system in all the dollar transactions when added together.”
 
Dagdag nito, ayon sa Ombudsman, mayroong natagpuang $12 milyon sa fresh deposits na hindi pa nagagalaw. Hindi pa umano lubusang matukoy kung ano ang kaugnayan nito sa ibang accounts.
 
Sa isa namang pahayag na ipinadala sa media, tinawag ni Corona na "a lantern of lies" ang naging testimonya ng Ombudsman.
 
"Once she is proven wrong, I urge her to immediately resign from her post for allowing herself to be used by this administration and making a laughing stock of government auditing," ani Corona.
 
Noong Dec. 12, 2011, araw kung kailan siya na-impeach, inilipat ni Corona ang kanyang $417,978.80 sa trust fund, ayon sa Ombudsman.
 
Itinago ng punong mahistrado ang kanyang dollar accounts sa mga bangko na: Bank of the Philippine Islands, Allied Banking Corp., Philippine Savings Bank, Citibank, at Deutsche Bank.
 
Ayon sa Ombudsman, base ang kanyang naging obserbasyon sa “electronically generated” na tala ng mga transaksyon ni Corona mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
 
Nabuo ang AMLC dahil sa Republic Act 9160 o ang Anti-Money Laundering Act upang imbestigahan ang ilang mga transaksyon na lumalabag sa batas.
 
Kabilang sa AMLC ang Bangko Sentral ng Pilipinas Governor, Insurance Commissioner, at ng Securities and Exchange Commission chair. "It is a very credible body headed by non-partisan individuals with reputations that of independence. I would take seriously what comes from them," ani Tony La Viña, dean ng Ateneo School of Government.
 
'Significant movements... significant dates'
 
Inihayag ni Morales na nag-withdraw si Corona ng $500,000 noong Mayo 12, 2004 at ibinalik ito nang buo sa parehong bangko dalawang araw nakalipas.
 
Dagdag nito, inihayag din niyang nagaganap ang "significant movements" sa dollar accounts ni Corona sa mga "significant date," tulad ng mga araw matapos ang 2004 at 2007 eleksyon.
 
Sa kabila nito, inihayag ni lead defense counsel Serefin Cuevas na walang "competency" ang opisyal upang ihayag ang mga detalye sa impeachment court.
 
Hindi rin umano maaaring maglabas ng presentasyon si Morales tungkol sa dollar accounts ni Corona sapagkat hindi ito nakasama sa direct examination ng Ombudsman, aniya.
 
Ngunit sa pamamagitan ng botohan, nagka-isa ang Senate impeachment court upang utusan si Morales na ipakita ang summary ng kanyang natagpuan sa dollar transactions ni Corona.
 
“As long as it is relevant, it is admissible in court,” ani Senator Miriam Defensor-Santiago sa impeachment court bago maganap ang ruling. “There is no categorical prohibition on PowerPoint presentations under the rules on evidence. I hold as a judge this is relevant. It will help us considerably to reduce hours of going through these documents.”
 
Dagdag naman ni Senator Alan Peter Cayetano: “The defense was the one who brought up these AMLC records. Ang ginagawa lang ng prosecution ay hinihimay ito. Hindi lang nila tinanong ang Ombudsman tungkol sa laman nung mga account.”
 
"Confused" defense panel
 
Sumunod namang umupo sa witness stand si Commissioner Heidi Mendoza ng Commission on Audit matapos siyang utusan ni Morales na ipagpatuloy ang presentasyon. Ibinunyag naman ni Mendoza na naglagay si Corona ng mahigit $28 milyon na total deposits sa kanyang dollar accounts at P242 milyon naman sa peso accounts niya.
 
“We are trying to show the circuit of funds,” ani Mendoza. “Many accounts were created. May I also emphasize that this includes deposits, credit memo, remittances. The total inflow is at $28,740,497.93.”
 
Ayon sa kanya, umaabot ng 423 ang naganap na transaksyon sa mga deposit noong Abril 2003 hanggang Disyembre 2011.
 
Mahigit P242 milyon ang deposits ni Corona sa kanyang peso accounts, ayon kay Mendoza.
 
Isinawalat din ng COA commissioner na ang withdrawals, credit memos, at electronic payments o ang total outflow na inilagay ng punong mahistrado sa kanyang dollar accounts ay umaabot ng $30,758,878.51.
 
Samantala, sapagkat hindi ipinatawag ng defense panel si Mendoza sa witness stand, iginiit ni Cuevas na nasa "confused position" ang kanyang panel.
 
“[She is] testifying for whom? How would she be credited?” ani Cuevas.
 
“To be fair with the defense, you have not presented her a witness for the defense or prosecution,” inihayag ni Senate President at impeachment court presiding officer Juan Ponce Enrile.
 
Sa kalaunan, tinanggal bilang testigo si Mendoza ngunit nakapagdagdag din siya ng ilang mahalagang detalye sa testimonya ni Morales.
 
Nauna nang humarap si Mendoza, isang professional auditor, sa Senado bilang whistleblower sa kanyang pagtestigo laban sa katiwalian ng militar. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News