ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Santiago, nais ipatawag ang mga manager ng mga bangko sa umano’y dollar accounts ni Corona


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hiniling ni Senador Miriam Defensor-Santiago nitong Martes sa Senate Impeachment Court na ipatawag ang mga manager ng siyam na bangko kung saan inilagay umano ni Chief Justice Renato Corona ang kanyang dollar accounts. Ayon kay Santiago, dapat ipatawag ng Senado ang mga bank manager para malaman kung karaniwan ba na magkaroon ng maraming dollar accounts ang kanilang mga kliyente. “I move that we subpoena the managers of all nine banks. The bank manager is required by law to seek and record details," hiling ng senadora. Puna ng senador, dalawa hanggang tatlong bank accounts lamang ang kadalasang ginagamit ng isang tao para makilahok sa dollar trading. Sa kanyang testimonya sa Senate impeachment court noong Lunes, inihayag ni Ombudsman Carpio-Morales na gumamit si Corona ng 82 dollar accounts sa siyam na bangko na tinukoy niya na: • Bank of the Philippine Islands (BPI) Acropolis • BPI Tandang Sora • BPI San Francisco del Monte • BPI Management Investment Corporation • Philippine Savings Bank (PSB) Cainta • PSB Katipunan • Allied Banking Corporation (ABC) Kamias • Deutsche Bank, at • Citibank. Ayon naman kay Senate President Juan Ponce Enrile, presiding officer sa paglilitis, tatalakayin nila ang kahilingan ni Santiago sa caucus sa Lunes. Samantala, matapos ihayag ni Santiago ang kanyang mosyon, hiniling naman ni Senador Aquilino "Koko" Pimentel III na burahin ang mga inihayag ni Commissioner on Audit (COA) chief Heidi Mendoza sa impeachment court noong Lunes. Pinalitan ni Mendoza si Morales sa witness stand noong Lunes matapos mapagod ang Ombudsman sa kanyang presentasyon, gamit ang isang slide show na nagpapakita sa umano’y dollar accounts ni Corona. Inihayag ni Mendoza, tumulong kay Morales sa pagsusuri sa bank records ni Corona, sa impeachment court na mayroong $28 milyong total deposits si Corona sa kanyang dollar accounts at P242 milyon naman sa kanyang peso accounts. Hiniling ni Pimentel na burahin ang naging pahayag ni Mendoza sa Senate records para maging patas sa panig ng depensa dahil ang naturang opisyal ay "irregularly presented" bilang testigo. Inaprubahan naman ng Senado ang mosyon ni Pimentel. - Amanda Fernandez/FRJ, GMA News