ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Martial Law Museum, iminungkahi ni VP Binay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iminungkahi ni Vice President Jejomar Binay nitong Martes ang pagtatayo ng Martial Law museum upang ipaalala sa mga kabataan ang hirap na pinagdaanan ng mga Pilipino sa ilalim ng diktaturyang pamamalakad. “We need to remind our youth that the freedom they now enjoy - the freedom to speak their minds freely, among others - was paid for with the sacrifices of brave Filipino patriots who may have belonged to different political groups but were united in the fight for freedom and democracy," paliwanag ni Binay sa isang pahayag nitong Martes. “Often these rights are taken for granted. But we must remind them there was a time in our history when speaking one's mind can land a person in jail, or worse," dagdag niya. Si Binay ay kabilang sa mga nabilanggo nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang martial law noong 1972. Sinabi ng pangalawang pangulo na nakuha niya ang inspirasyon sa naturang proyekto mula sa Holocaust Museum at Korean War Memorial Museum. Patuloy ni Binay, ilang personalidad na kanyang nakausap ang nagpahayag ng suporta sa proyekto. Kasalukuyan na umanong pinaplano ang konsepto at estraktura ng magiging museum, at kung saan ito maaaring itayo. Inihayag ni Binay na maliban sa pagbibigay ng kamalayan sa kabataan tungkol sa hirap na dinanas ng maraming lumaban sa diktaturya, makatutulong din umano ang museum sa turismo ng bansa. Maaari umanong maging tourist destination ang museum na isang halimbawa ng Public-Private Partnership program. “Sa amin sa Makati I have always stated na madalas kong sinasabi na nagiging succesful ang project ng city of Makati kasi lagi naming kasama ang private sector. Mukhang mabagal nga yata ang development ng tourism kaya tama lang na manawagan tayo sa private sector," aniya. “Dapat lang tayong mag-isip ng mga paraan para maka-attract tayo ng mga turista at marami pa po tayong maaring magawa for tourists among other things," dagdag ng bise presidente. Una rito, inatasan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III si Binay na magbigay ng rekomendasyon kung dapat payagan na mailibing si Marcos Sr sa Libingan ng mga Bayani. Inirekomenda ni Binay na ilibing si Marcos sa kanyang probinsya sa Ilocos Norte na mayroong full military honors. - Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News