ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ombudsman Morales: Hindi ako magpapagamit kanino man


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kanyang testimonya sa paglilitis kay Chief Justice Renato Corona, sinisiguro ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Senate impeachment court na hindi siya magpapagamit para personal na hangarin kanino man. “I will not jeopardize my 40 years in government service – spotless, I will be modest to say that – just to be a tool for anyone to get back at certain persons,” pahayag ni Morales. Ito'y kanyang sinabi matapos magpahayag ang ilang mga senador ng kanilang pagkabahala sa posibleng paggamit ng kapangyarihan ng Ombudsman upang usigin ang mga kalaban ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. Matatandaang sa harap ni Morales nanumpa si Pangulong Aquino matapos manalo sa halalan noong 2010. Si Morales ay hinirang ni Pangulong Aquino noong Hulyo 2011 bilang Ombudsman. Mula pa nang paghirang ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Corona bilang Chief Justice, kritikal na si Aquino sa punong mahistrado na umano'y isang "midnight appointee." “Paminsan-minsan, naglalaro po sa aking isipan na [baka] your office will be used against adversaries of the administration…. Huwag naman po sana gamitin laban sa mga taong kritikal sa administrasyon,” sabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kay Morales. Samantala, iginiit naman ni Senator Alan Peter Cayetano na panatilihin ng Ombudsman ang "balance" sa kanyang paggamit ng kapangyarihan sa imbestigasyon niya sa assets ng mga opisyal ng gobyerno. “There’s been a lot of talk about balance here, especially among us, senator-judges. We do not want an administration going after just its enemies,” aniya. 'Singled out' Itinanong naman ni Senator Gregorio Honasan kung "singled out" si Corona nang magsagawa ang opisina ni Morales ng imbestigasyon sa assets ng punong mahistrado. Kinuwestiyon ni Honasan ang Ombudsman kung ilang beses na hiniling ng kanyang opisina ang tulong mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang suriin ang bank transaction ng mga opisyal ng gobyerno. Ayon kay Morales, ito ang kanyang unang pagkakataong humingi ng tulong mula sa AMLC sapagkat bago lamang siya sa kanyang posisyon bilang Ombudsman. Sa kabila nito, iginiit ni Morales na handa din siyang imbestigahan ang mga opisyal ng administrasyong Aquino kung kinakailangan. “For as long as there are leads that these charges are meritorious, then we will do it,” ani Morales na isang retired Associate Justice ng Korte Suprema. Noong Lunes, inihayag ni Morales sa impeachment court ang umano'y 82 dollar accounts ni Corona at ang “circuitous movements” ng pera sa naturang mga account. Samantala, sa kanyang pahayag sa media, inilarawan ni Corona ang paglalahad ni Morales bilang "lantern of lies." Hinamon ng punong mahistrado si Morales na magbitiw sa posisyon sa oras na mapatunayang mali ang mga pahayag nito sa kanyang testimonya . — Amanda Fernandez /LBG, GMA News