ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Risa Hontiveros-Baraquel, itinangging may nag-utos sa kanyang maghain ng reklamo vs Corona


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kanyang pagtestigo sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona nitong Miyerkules, itinanggi ni dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel na may nag-utos sa kanya na maghain ng reklamo laban sa punong mahistrado sa Office of the Ombudsman. "Hindi po... Kami pong sumulat ang nag-desisyon [na mag-file ng letter complaint]," pahayag ni Baraquel sa paglilitis nitong Miyerkules. Inihayag niya ito matapos siya tanungin ni Senator Panfilo Lacson ng: "Did anyone at any time instruct you, advise you, convince you, or suggest to you to file the complaint before the Ombudsman?" Bago nito, itinanggi rin ni Baraquel na inihayag niyang mayroong $10 milyon si Corona sa ilang bank accounts. "Ang sinabi po namin sa aming sulat ay 'various peso and dollar accounts'... ‘Di po namin sinabi ang $10 million," aniya. Inatasan din siya ni defense counsel Eduardo delos Angeles na basahin ang bahagi ng kanyang liham na ipinadala kay Senate President Juan Ponce Enrile noong ika-14 ng Mayo kung saan nilinaw niya ang ilang bahagi ng subpoena na ipinadala sa kanya. Paliwanag ni Baraquel, inihayag lamang nila sa kanilang liham na reklamong ipinadala sa Ombudsman ang tungkol sa accounts ni Corona, na nauna nang ginamit bilang ebidensya sa paglilitis. Ayon sa kanya, ginamit lamang nila ang impormasyong mayroong 18 accounts umano si Corona sa Bank of the Philippine Islands at sa Philippine Savings Bank (PSBank). "Ang tanging hiling [namin] ay imbestigahan nila ‘yang issue ng dollar accounts. Kung ano po ‘yung gagawin nila pagkatapos ay ‘di na namin hawak ‘yun," ayon sa kanya.   "Ang purpose po namin sa pagsulat kay Ombudsman Morales ay hilingin bilang mamamayan na imbestigahan ng Office of the Ombudsman ‘yung issue ng dollar accounts alang-alang sa full accountability," dagdag niya.   "Masaya po ako na 'di kami nabigo na ang Office of the Ombudsman ay tumutugon sa mga request ng mga mamamayan," aniya. Nauna nang inihayag ni defense lawyer Jose Roy III na tetestigo ang punong mahistrado sa paglilitis sa kondisyong ipapatawag din sa trial ang 10 hostile witnesses. Pinadalhan na ng subpoena ng Senado sina Morales, Baraquel, Akbayan Rep. Walden Bello, Emmanuel Tiu Santos, at ang civil society leader na si Harvey Keh. Nauna na ring inatasan ng Ombudsman si Corona na sagutin ang mga alegasyong inihain laban sa kanya nina Baraquel, Bello, Keh at Santos na mayroon siyang $10 milyon sa umano'y ilang bank accounts. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News