Inggit, sinasabing motibo sa pagpatay sa anak ng alkalde ng Carcar, Cebu
Nadakip na ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa bunsong anak ng alkalde ng Carcar, Cebu noong Sabado habang dumadalo sa isang pasayawan sa kalsada. Sa ulat ni GMA-Cebu reporter Greggy Mandadaro sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing nadakip sa Catigbian, Bohol nitong Huwebes ng mga operatiba ng Carcar police ang suspek na si Jay Boy Lauron, 28-anyos. Umamin umano si Lauron sa ginawang pagbaril at pagpatay sa biktimang si Carl Vinson Apura, 24-anyos. Si Carl Vinzon ay anak ni Carcar Mayor Nicepuro Apura. Labis naman ang pasasalamat ng alkalde sa pulisya sa pagkakahuli sa pumaslang sa kanyang anak na nakatakdang ilibing sa Linggo. “Hindi na siya nakapanlaban kasi marami-rami rin tayong nakaabang sa kanya roon," ayon kay Chief Inspector Teodulfo Manatad, chief of police ng Carcar City. Ayon sa suspek, nagkainitan sila ng biktima sa sayawan kaya niya ito pinatay. Hindi umano niya alam na anak ng alkalde ang kanyang biktima. Dahil sa nangyari, hindi na umano papayagan ng lokal na pamahalaan ng Cebu ang mga pasayaw sa kalye nang walang kaukulang permit gaya ng pinuntahan ni Carl Vinson. Sinabi ni Sr. Supt. Patrocino Domendador, director, Cebu-PNP, bubuwagin nila ang mga pasayawan na walang kaukulang permiso. Hinikayat niya ang mga mag-oorganisa ng pasayawan na kumuha ng permit upang mabigyan sila ng kaukulang seguridad ng pulisya. – FRJimenez, GMA News