ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Video na magpapatunay na ‘di raw ginahasa si ‘Pamela,’ inilabas ng Panamanian 'diplomat'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang linggo matapos umalis ng bansa, naglabas ng video footage na kuha sa closed-circuit television (CCTV) sa tinuluyan niyang apartment ang Panamanian national para patunayan na hindi umano niya ginahasa ang Pinay na itinago sa pangalang “Pamela." Ang kopya ng CCTV footage ay ibinigay sa GMA News ng Panamanian "diplomat" na si Erick Schks Bairnals, na nauna nang idineklarang persona non grata ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong nakaraang linggo. Sa ulat ni GMA News reporter Marisol Abdurahman sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing may permiso umano si Schks sa pamunuan ng apartment sa pagkuha ng kopya ng footage para maging katibayan na hindi niya pinilit si Pamela. Sa naturang footage noong Abril 23, nakita sina Schks at Pamela sa elevator na magkasama at naghalikan pa. “I never forced or coerced her to come with me to my place or spend the night with me to have sex," nakasaad sa nilagdaang pahayag ni Schks, technical officer ng Panama Maritime Authority. Hindi nakasuhan si Schks at tuluyang nakalabas ng Pilipinas dahil sa taglay niyang diplomatic immunity. Dahil sa nagawang makalabas ng bansa ni Schks, inulan ng batikos mula kina Sens Tito Sotto at Loren Legarda ang DFA at Department of Justice. Iginiit ni Schks sa pahayag na kapwa nila kagustuhan ni Pamela ang nangyari sa kanilang pagtatalik. “She did not refuse nor said NO instead she willingly made her way to my bedroom with me," pahayag ng Panamanian national. “I am deeply saddened because I was starting to love that country and the people I have met, to leave in such a shameful way." Sa ulat ng 24 Oras, sinabing mag-a-alas-onse ng gabi nang pumasok sa lobby na magkaholding hands sina Schks at Pamela. Dumiretso umano ang dalawa sa elevator kunsaan sumandal pa si Pamela kay Schks. Hinalikan ni Schks si Pamela pero mabilis din na kumalas ang babae Pagsapit ng alas-dose ng madaling araw, nakita si Pamela na mag-isang sumakay ng elevator at bumaba sa lobby ng apartment. Hindi ginusto ang nangyari Bagaman hindi itinanggi ni Pamela ang mga kuha sa video, nanindigan siya na pinagsamantalahan siya ni Schks. “Siya po 'yung nagsisimula ng lahat. Hindi po ako lumalapit sa kanya. Hindi po. Walang ganun... Hindi ko naman ginusto 'yun, eh," pahayag ni Pamela sa ulat ng 24 Oras. “Siya na nga ho ‘yung umano, siya nga po 'yung gumawa ng masama sa akin. Binaboy niya po yung dignidad ko. Ta’s may gana pa siyang sirain pa ako nang mabuti. Bigyan natin ng legitimacy yung mga pinagsasasabi niya in court," ayon pa kay Pamela. Sinabi naman ni Atty. DJ Jimenez, abogado ni Pamela: “Hinalikan siya sa elevator. Ganun pa man, hindi ito nagbibigay ng lisensya para pwersahin ka o manakot ka para makipagsex sa iyo." Inayunan naman ng Women and Children Protection Division ng Criminal Investigation and Detention Group ang pananaw ni Jimenez. Maituturing umanong “date rape" ang nangyari kay Pamela. “Kahit na hindi lumaban, kahit na sabihin na bumigay na lang ng kusa dahil sa may takot, hindi tinutukan ng pansaksak o anupaman, ‘yan ang sinasabi ng batas natin, eh," paliwanag ni Superintendent Emma Libunao sa ulat ng 24 Oras. — FRJ, GMA News