Laman ng umano'y dollar accounts ni Corona, mas mahalagang malaman, ayon kay Valte
Higit sa bilang ng umano’y dollar accounts, inihayag ng isang tagapagsalita ng Palasyo na mas mahalagang malaman kung magkano ang laman ng mga account na sinasabing pag-aari ni impeached Chief Justice Renato Corona. “It doesn’t matter if there are four, three or 82 (accounts); what’s important is what’s in them, magkano ang amounts," ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Sa nakaraang pagdinig ng Senate impeachment court, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na mayroong 82 dollar accounts si Corona na may “transactional balance" na umaabot sa $10 milyon. Nitong Biyernes, inihayag naman ng kampo ni Corona na aabot lang sa tatlo hanggang apat na accounts ang dapat iniugnay ni Morales sa punong mahistrado. Gayunman, tumanggi ang kampo ni Corona na kumpirmahin o itinanggi kung totoong may dollar bank account ang punong mahistrado. Kung totoong may dollar accounts si Corona, sinabi ni Valte na mahalagang malaman kung magkano ang laman at kung naideklara ba ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). “Let’s not focus on the accounts, rather ano ang laman," pagdiin niya. Kasabay nito, dumistansiya naman ang Malacañang sa mga anti-Corona text message na kumalat simula noong Huwebes, kasama na ang umano'y planong paglabas sa bansa ng misis ni Corona. “They should stop blaming us for what happened to them and start answering questions. That’s the problem, the senators are asking the people are asking what’s in those accounts," ayon kay Valte. “We have better things to do and we don’t engage in black propaganda," dagdag niya. Nauna nang pinabulaanan ng kampo ni Corona na planong umalis ng bansa ng maybahay ng punong mahistrado. — FRJ, GMA News