GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Nurse ang unang babaeng kongresista sa Pinas

May 19, 2012 6:16pm
Taong 1937 nang ipatupad ang batas na nagbibigay karapatan sa mga babae na kumandidato sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan. Alam niyo ba na isang nurse ang kinikilalang kauna-unahang babae na nahalal bilang kongresista ng bansa?

Si Corazon Cojuangco-Aquino ang unang babae na naging pangulo ng Pilipinas. Habang si Geronima Pecson naman ang unang Pinay na nahalal na senador. Nagmula naman sa lalawigan ng Zamboanga del Norte ang unang babaeng gobernador sa katauhan ni Guadalupe Adaza.

Samantala, isinilang sa Butuan, Agusan del Norte at isang lisensiyadong nurse ang kauna-unahang babaeng kongresista sa Pilipinas na si Elisa Rosales Ochoa.

Apatnapu’t isang taong gulang si Elisa nang mahalal siya bilang kinatawan ng Butuan sa Kongreso noong 1938, isang taon matapos maaprubahan ang batas na nagbibigay karapatan sa mga babae na kumandidato.

Matapos ang termino niya bilang mambabatas, hinirang si Elisa bilang presidential technical assistant on health ng administrasyon nina dating Pangulong Ramon Magsaysay at Carlos Garcia. - FRJ, GMA News