Prosekusyon: Meeting sa Palasyo ukol sa 'withdrawals' mula sa accounts ni Corona
Inihayag ng mga prosecutor sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona nitong Linggo na pumunta sila noong Huwebes sa Malacañang upang i-verify ang mga bali-balita na may ilang withdrawals na naganap mula sa bank accounts ng punong mahistrado. Itinanong din umano nila ang impormasyon na may balak lumabas ng bansa ang kanyang asawang si Cristina. Ayon kay House deputy speaker Lorezno Tañada III, pumunta sila sa Office of the Executive Secretary upang itanong ang impormasyong kanilang nakalap. “We asked the executive secretary if there was a way to confirm those stories,” ani Tañada sa panayam ng dzBB radio. Mula sa nakalap nilang impormasyon, may ilang withdrawals umanong ginawa mula sa mga account ni Corona, kabilang na rin ang umano'y balak na pagpunta ni Mrs. Corona sa Spain. Sa isang text message, itinanggi ni Corona ang mga akusasyong ito. Samantala, inihayag ni Tañada na maaaring tumagal pa ng dalawang linggo ang paglilitis, na magpapatuloy ngayong Martes, kung kailan haharap na si Corona bilang testigo. Ayon sa kanya, ang pagtatapos ng paglilitis ay nakadepende sa haba ng magiging testimonya ni Corona ngayong Martes. “Baka Miyerkules ang cross examination namin. Maybe after the cross, redirect and recross baka Huwebes, baka halos dalawang linggo pa ang abutin ng trial," aniya. Umaasa si Tañada na matapos ang paglilitis bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa darating na Hunyo 8. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News