ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
4 patay, 4 sugatan sa vehicular accident sa SCTEX
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
DINALUPIHAN, Bataan — Apat ang patay, kabilang ang isang doktor, at apat ang sugatan sa isang aksidente Subic-Clark-Tarlac Expressway sa bahagi ng Porac, Pampanga. Sangkot sa aksidente na naganap bandang alas-3 ng hapon noong Martes ang isang Ford Expedition. Bumangga umano sa road railing ang sasakyan, bumaligtad at tumilapon ang mga sakay nito. Idineklarang dead on arrival sa Bataan Peninsula Medical Center sa Dinalupihan, Bataan si Dr. Richard Quilang, barangay captain ng 185 Zone 16 sa Tondo, Manila at driver ng sasakyan. Patay din ang dalawang pamangkin ng doktor na sina Rod Ocampo, 11 at Mariel Ocampo, 12 at ang yaya ng pamilyang si Maricel Rivera. Sugatan naman at isinugod din sa ospital sa Dinalupihan ang asawa ng doktor na si Joy Quilang at mga anak na sina Joyce, 14 at Jil, 12 at pamangking si Ken-Ken Ocampo. Nagdatingan ang mga barangay captain ng Tondo at ilang kamag-anak sa ospital na labis na nanlumo sa sinapit ng mag-aanak. Napag-alaman na papuntang White Rock Beach sa Zambales ang mag-aanak upang dumalo sa isang seminar ng mga kagawad ng barangay ng District 2 ng Maynila na gaganapin ng Mayo 22 hanggang Mayo 23 nang mangyari ang aksidente. Isa umano sa punong-abala si Quilang sa seminar bilang director ng Liga ng mga Barangay sa Maynila. — Ernie B. Esconde /LBG, GMA News
More Videos
Most Popular