ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso: Para sa kaarawan ng aking Nanay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa'yong kaarawan, aking tanging alay
Ay taos pusong pagbati, kalakip ang pagmamahal
At araw ng iyong dakilang pagsilang
Ay habang buhay kong pasasalamatan
 
Dakila mong pagmamahal, aming natalos
Simula nuong kami'y mga bata pang musmos
Pag aaruga at oras ibinigay mo sa amin ng lubos
Kahit na nga minsan sa pera tayo ay kapos.
 
Hirap ng buhay ay hindi mo alintana
Basta kaming mga anak mo ay lumaki ng tama
At  iyo  ngang ipinakita ay ibayong sipag at tyaga
Di man tayo yumaman, may konting ginhawa.
 
Pag aaral namin ay sakripisyo mo nuon
Dahil madalas ay walang pang-tuition
Ngunit sa tuwinay nagagawan mo ng solusyon
Kaya naman walong anak mo'y professional ngayon.
 
 
Ang buong maghapon mo ay wala ng pahinga
Sa mga gawaing bahay, paglilinis at paglalaba
Ngunit sa hanap buhay ay tumutulong ka pa
Para kahit konti ay may dagdag kita.
 
Gumagawa ka nuon ng suman at tamalis
Nagluwas ng lambanog at minatamis
Nag angkat ng prutas , pinya at atis
At pahinga mo na'y, mananahi pang gwantes.
 
Ang iyong tabliya na sadyang masarap
Pati ang atsarang maging laywan ay hanap
Ang gumawa ng mga ito’y hindi biro at mahirap
Sa’yo ay bale wala, may ngiti pang sangkap.
 
Sa mga tindahan , itlog iyong inirarasyon
Ngunit minsan ay nabasag ko ang isang kahon
At iyo pang nagawang leche flan iyon
Pinakinabangan pa at hindi natapon.
 
Mga halimbawa mong aming natutuhan
Na ang taong masipag , madaming paraan
At yaong mga tamad na lagi ng may dahilan
Sa agos ng buhay  ay napag-iiwanan.
 
Sa mga anak mo ay dakila kang ina
Kay tatay nama'y butihin kang asawa
Sa Dios ay sadyang may takot ka
Kayat sa San Juan tayo'y napiling isa 
Sa sampung natatanging pamilya.
 
Kadakilaan mo ay hindi ko kayang pantayan
At sabihin pa nga ay hindi kayang mahigitan
Pangarap ko na lamang ay aking matularan
At ipagpatuloy iyong sinimulan.
 
Sa'yo Inay, maligayang maligayang  ika-80 na kaarawan
At sa Dios aking dasal, mabuhay ka ng higit pa sa isangdaan.... Isinulat ni: Laurelio Magpantay para sa kanyang ina — Gng. Lagrimas Magpantay — na magdiriwang ng kanyang ika-80 kaarawan sa Hulyo 18, 2012.