Kampo nina Raymart at Claudine, muling nanawagan sa buong video ng gulo sa airport
Hindi dumating ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto sa preliminary investigation sa reklamong isinampa nila laban sa koluminstang si Mon Tulfo. Kasabay nito ay tinanggap na ni Tulfo ang kopya ng reklamo na inihain sa kanya ng mag-asawa na physical injury at paglabag sa Child Abuse law. Sa ulat ni GMA News reporter John Consulta sa late night newscast na Saksi nitong Martes, sinabing hindi umaasa si Tulfo na magkakaayos pa sila ng kanyang nakasagupa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Mayo 6. "Sa ngayon malabo, eh. At saka kailangan nilang pagdusahan 'yon at kailangan mabigyan ako ng hustiya," ayon sa beteranong mamamahayag. Dagdag pa ng kolumnista, gagamitin ng kanyang kampo ang video na ipinadala sa kanila ng isang pasahero ng Cebu Pacific kung saan ipinakitang sinampal siya ng nakatalikod na lalaking nagngangalang Eduardo Atilano, na sinasabing kaibigan ni Raymart. "Bigla na akong nakatanggap ng sampal. 'Yon ang pinaka-insulto na matanggap ng isang lalaki, yung sampal. Kaya nagreact ako. Malalaman ngayon dito kung sino yung agresibo," ayon kay Tulfo. Ang naturang video na tumagal lang ng ilang segundo ay patunay daw na hindi siya ang nagsimula ng gulo. Ilabas ang buong video Iginiit naman ng kampo nina Raymart at Claudine na hindi dapat basta iasa sa ilang segundong video ang buong kwento ng pangyayaring gulo sa airport. Sa pamamagitan ng abogado ng mag-asawa na si Atty. Jennifer Atienza, muli silang nanawagan at nag-alok ng pabuya para sa makapagbibigay ng buong video sa naganap na insidente para lumabas umano ang katotohanan. "Wag po tayo basta humusga. Tandaan po natin na tig-iilang segundo lamang po yung nakikita natin," hiling ni Atienza. “Kung maaari nga po, kung sino man ang mga nakakaalam at mayroong video ng buong pangyayari, ilabas nalang po natin at tulungan po natin na malabas ang katotohanan," dagdag niya. Kasabay nito, naghain din ng motion to consolidate ang mga abugado ni Tulfo upang pag-isahin na lang ang mga magkakahiwalay na reklamo ng mag-asawa laban sa koluminsta. -- Mac Macapendeg/ FRJ, GMA News