GMA News Online Showbiz

Raymart at Claudine, masaya sa naging desisyon ng MTRCB vs programa ng Tulfo brothers

May 31, 2012 1:38pm

Masaya ang mag-asawang Claudine Barretto at Raymart Santiago sa naging parusa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa programa ng magkakapatid na sina Ben, Raffy, at Erwin Tulfo sa TV5 na T3: Kapatid Sagot Kita.
 
“This serves as a firm reminder to all media practitioners to be more professional, responsible, and circumspect in the exercise of their profession. We thank the MTRCB for its courage and wisdom,” pahayag ng kampo nina Claudine at Raymart sa GMA News ukol sa naging desisyon ng MTRCB sa programang T3.
 
Ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras noong Miyerkules ng gabi, nakitaan ng MTRCB ng paglabag sa Presidential Decree 1986 ang programa dahil may mga pagbabanta ang magkakapatid na Tulfo sa mag-asawa sa kanilang May 7 na episode.
 
Tatlong buwan na suspensiyon at multang P100,000 ang pinataw ng MTRCB sa programang T3.
 
Maliban dito, sasailalim din sa probation ang programa pagkatapos ng naturang suspensiyon.
 
 
Ayon kay MTRCB Chairperson na si Grace Poe-Llamanzares, "As a government agency, we are duty bound to implement the law. Freedom of speech does not include statements that provoke violence or insight illegal action."
 
Nanindigan ang MTRCB na isang public affairs show ang T3.
 
Ayon pa sa MTRCB chairperson, "Sila mismo ang nagsubmit ng application for permit. At sila mismo ang naglagay na public affairs program sila."
 
Gayundin, taliwas ito sa sinasabi ng TV5 na isang news program ang T3.
 
Hindi naman ikinatuwa ng pamunuhan ng TV5 ang naging desisyon ng naturang regulatory board.
 
Ayon sa pahayag ng estasyon, "TV5 regrets the decision of the MTRCB and views it as an act in excess of its jurisdiction."
 
Dagdag pa nila, sa Court of Appeals na raw sila lalapit para pigilan ang MTRCB sa paglalabas ng ganitong mga desisyon at sanction.
 
Maaari namang maghain ng motion for consideration ang TV5 sa MTRCB, bagkus umaasa ang naturang regulatory board na tatalima ang programa sa kanilang desisyon.
 
Kinalulungkot din ng koluminstang si Mon Tulfo ang naging desisyon ng MTRCB.
 
Aniya, "Naaawa lang ako sa mga kapatid ko, awang-awa ako. 'Yon lang dahil sa akin, nagka-ganon yung T3. Napakagandang programa, [at] nasira dahil sa akin.”
 
Samantala, nagkaharap na sina Mon Tulfo at ang mga abogabo nina Raymart at Claudine at ang kaibigan nilang si Eduardo Atilano sa unang pagdinig ng reklamo.
 
Slight physical injury at grave coercion ang isinampa ni Tulfo laban kina Raymart sa Pasay City Regional Trial Court. Nagsampa din ito ng grave oral defamation si Tulfo laban sa mag-asawa at sa kaibigan nilang si Atilano.
 
Ayon sa abogado ni Mon Tulfo na si Atty. Jovito Barte: "As we go on with the case, we discovered other things that need to be addressed."
 
Ipinagtaka naman ito ng kampo ng mag-asawa, ngunit titignan daw nila kung ano ang basehan ng sinampang reklamo.
 
Nakatakda ang susunod na hearing sa June 18 kung saan magsusumite ng counter affidavit sina Claudine, Raymart at kaibigan nilang si Eduardo. Mac Macapendeg/RSJ, GMA News




advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement