Batang babae, sugatan sa pag-atake ng unggoy
Sugatan ang isang taong gulang na babae sa Coronadal, South Cotabato matapos siyang kagatin at kalmutin sa mukha at katawan ng isang unggoy na alaga ng kanilang kapitbahay. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabi ni Reynaldo Lumbaan, ama ng biktimang si Princess, na hindi niya namalayan na nakalabas ng bahay ang kanyang anak at nakarating sa kanilang kapitbahay na may alagang unggoy. “Abala kami sa paghahanda ng aming pagkain sa bahay kaya sandali kaming nalingat at hindi namin siya masyadong nabantayan," pag-amin ng ama. Huli na nang malaman nilang nakalabas ng bahay si Princess dahil nakita nila itong yapos ng unggoy, habang kinakagat at kinakalmot. Ayon kay Gng. Rhoda Lumbania, may-ari ng unggoy, mabait noon ang kanyang alaga pero naging mabangis magmula nang pagbabatuhin umano ng mga kabataan sa kanilang lugar. Pinag-aaralan na rin niya kung saan ililipat ang alaga upang hindi na muling makapanakit. Dinala naman sa pagamutan para mapabakunahan si Princess, na namamaga pa ang mukha dahil sa tinamong mga sugat. Nagbigay ng kaunting halaga si Lumbania para ipambayad sa ospital. Ngunit hindi umano iyon sapat sa pagpapagamot ni Princess, ayon sa ama ng biktima. - FRJ, GMA News