ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kakulangan ng crib para sa mga baby, tinugunan ng Kapuso Foundation


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa dami ng isinisilang na sanggol, isa sa mga problema ng Rural Health Unit ng Anda, Pangasinan ang crib na paglalagyan ng mga baby. Sa isang araw, tinatayang higit sa limang sanggol ang ipinapanganak sa center. Kaya umano madalas na problema ng mga kawani rito ang kakulangan ng gamit gaya ng crib. “May isang crib sa delivery room pero dito sa ward walang crib. Kaya ang ginagawa naming, itinatabi agad namin yung baby sa ina," ayon kay Edna dela Rosa, Midwife III ng RHU ng Anda Ang naturang problema ay tinugunan naman ng GMA Kapuso Foundation. Tatlong crib ang ibinigay sa RHU ng Anda. Mapalad na unang makahiga sa crib ang baby girl ng mag-asawang Ignacio. “Ngayon may tulong sa GMA (foundation) magkakaroon na kami ng crib sa mga ward," masayang pahayag ni dela Rosa. Bukod sa pamamahagi ng crib, patuloy ang proyektong Unang Hakbang sa Kinabukasan ng Kapuso foundation. Mahigit 200 mahihirap na mag-aaral sa grade one ang nabigyan ng school supplies na labis na ikinatuwa ng mga magulang ng mga bata. Kabilang dito ang magsasaka na si Mang Ernie Catap na hirap tustusan ang pangangailangan ng kanyang mga anak na nag-aaral. Sa hirap ng buhay ni Mang Ernie, tatlo lamang sa 10 niyang anak ang nag-aaral. “Gusto ko makapag-aral sila kahit ako na lang ang maghirap, basta mabigyang ko sila ng magandang kinabukasan," ayon kay Mang Ernie Inihayag din ni Marjorie Garcia, regional coordinator, GMA Kapuso Foundation-Dagupan, na magsasagawa rin sila ng feeding program sa lalawigan. “Patuloy ang programa natin. Susunod na ang feeding program mayroon na tayong identified municipalities," ayon kay Garcia. -- Sheilla/Daryl/FRJ, GMA News