Chief Justice na pinaslang dahil sa pagiging makabayan
Kilala niyo ba kung sino ang dating punong mahistrado ng Korte Suprema na pinatay ng mga Hapon dahil sa kanyang pagmamahal sa Pilipinas. Si Jose Abad Santos, na isinilang sa San Fernando, Pampanga, ang ika-limang punong mahistrado na nanungkulan mula December 1941 hanggang May 1942. Bago naging chief justice, nanungkulan muna si Abad Santos bilang undersecretary at secretary ng Department of Justice sa ilalim ng pamumuno ni Governor General Leonard Wood noong 1932. Sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Manuel Quezon, itinalaga siyang punong mahistrado. Pero sa pagsiklab ng ikalawang digmaang pandaigdig at pagsalakay ng mga Hapon sa Pilipinas, itinalaga rin siya bilang kalihim muli ng hustisya, at acting secretary of finance, agriculture at commerce. Nang umalis si Quezon patungong Amerika, ipinagkatiwala kay Abad Santos ang pamamahala sa mga lugar na hindi pa nasasakop ng mga Hapon. Noong Abril 1942, nadakip ng mga Hapon si Abad Santos sa Carcar, Cebu. Pagkaraan ng ilang araw ay inilipat siya sa Malabang, Lanao kung saan pinilit siya ng mga Hapon na makipagtulungan sa kanila at talikuran ang pamahalaang Pilipinas. Ngunit nanindigan si Abad Santos at nanatiling tapat sa bansa kaya siya barilin ng mga dayuhan na naging dahilan ng kanyang kamatayan sa edad na 56.-- FRJimenez, GMA News