Pagtiyak ni PNoy sa mga magsasaka, CARP law lubos na ipatutupad
Tiniyak ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na ipatutupad ng kanyang administrasyon ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) bago matapos ang bisa nito sa 2014. Sa panayam sa kanya ng media sa London nitong Huwebes bago lumipad patungong Amerika, sinabi ni Aquino na inatasan na niya si Agrarian Reform Sec. Virgilio “Gil" delos Reyes na tiyaking maipatutupad ang programa para sa mga magsasaka. “Ang instruction ko sa kanya (Sec. delos Reyes) kailangan makumpleto lahat ito within the time allotted to us because it will be very difficult to get further extension. And he has been focused on that," pahayag ng pangulo. Nakatakdang mapaso ang bisa ng CARP law sa June 30, 2014. Ilang magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan ang nasa Maynila ngayon kaugnay ng ika- 24 taong anibersaryo ng implementasyon ng programa sa repormang agraryo. Dahil nasa labas ng bansa si Aquino, sina delos Reyes, Budget Sec. Florencio Abad, at Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, ang inatasan ng pangulo na humarap at makipag-usap sa mga magsasaka at kasama nilang mga opisyal ng Simbahang Katoliko. “They will meet the concerned bishop or bishops before I get back to present to me a list of doables already. So by the time we get to meet the bishops we can commit specific actions and specific timeframes. So even if I’m here, that’s being addressed," pahayag niya. Ayon pa kay Aquino, batay sa nakalap niyang impormasyon ay nakikipag-ugnayan na si delos Reyes sa mga stakeholder sa pagpapatupad ng programa. -- RP/FRJ, GMA News