ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaso sa pagpatay sa beauty queen ng Dagupan City National HS, isinara na ng pulisya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Idineklara ng Dagupan City police na sarado na ang kaso ng 13-anyos na estudyanteng babae na pinaslang sa pamamagitan ng mga saksak sa loob ng pinapasukan niyang Dagupan City National High School. Ito ang inihayag ni P/Supt. Romeo Caramat, Jr., hepe ng Dagupan City police, matapos idiin ng mga testigo sa pagpatay kay Madelaine Faith Goyena ang nadakip na suspek na si Dennis Escaño, 18-anyos. Matibay umano ang pahayag ng mga saksi na si Escaño ang pumaslang sa sarili niyang kaibigan na si Goyena, incoming 2nd year high school at beauty queen sa naturang paaralan. Batay sa mga naunang ulat, sinasabing pera ang dahilan kaya pinaslang ang biktima. Sa kabila nito, mariin pa rin ang pagtanggi ni Escaño na siya ang pumatay kay Goyena. Ayon sa dalawa sa pitong testigo na nakausap ng GMA News, nakita nila si Escaño sa loob ng paaralan na balisa at aburido. Palingon-lingon umano ito habang tumatakbo. Napansin din na madumi umano ang kamay ng suspek at may bahid na pula ang damit na hinihinalang dugo. Ayon kay Caramat, kumbinsido naman at nasisiyahan ang pamilya Goyena sa takbo ng ginagawang imbestigasyon ng pulisya. Nais naman ni Dra Alma Ruby Torio, Schools Division Superintendent, Dagupan City, na patunayan ng pulisya na nagkaroon ng kapabayaan ang pamunuan ng DNHS sa nangyaring pagkamatay ni Goyena. May mga pumupuna kung bakit nakapasok sa paaralan si Escaño na itinuturing “outsider" at may patalim. Nakita si Goyena na tadtad ng saksak sa likod ng silid-aralan noong nakaraang linggo. Sa kabila nito, nanindigan ang pamunuan ng paaralan na na hindi sila nagkulang sa seguridad. -- CJTorida/DReside/FRJ, GMA News