Alegasyon ni Santiago na may kapalit na pabor ang guilty verdict vs Corona, inalmahan
Inalmahan ng ilang senador ang naging pahayag ni Senador Miriam Defensor-Santiago na may kapalit na pabor ang guilty verdict sa impeachment case ni dating Chief Justice Renato Corona. Iginiit din ni Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad na wala pinapaboran na mambabatas ang pamahalaan sa pagkakaloob ng pondo sa ilalim ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin bilang “pork barrel" fund. Sa ulat ni GMA News Sandra Aguinaldo sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, nanawagan si Sen Tito Sotto na itigil na ang pagbibintang sa naging hatol kay Corona. “Dapat po siguro tigilan na po natin iyong pagbibintang at tigilan na natin iyong paghahanap ng dahilan kung bakit na-convict si Chief Justice Corona. Ang dahilan guilty e, ultimo mga kababayan nain alam," pahayag ni Sotto, isa sa 20 senador na naghatol ng guilty sa dating punong mahistrado. Sinabi naman ni Sen Francis Escudero na ibinase niya ang kanyang guilty verdict kay Corona sa iprinisentang ebidensiya at umiiral na batas. Sa isang panayam naman sa radyo, nakiusap umano si Senate President Juan Ponce Enrile kay Santiago na huwag siraan ang Senado. Sa naunang exclusive interview ni Jessica Soho kay Santiago, bumotong not guilty si Corona, sinabi nito na hindi na siya nagulat sa mataas na bilang ng mga kasama niya sa Senado na nagdeklarang nagkasala ang dating punong mahistrado. Sa botong 20-3, idineklarang guilty si Corona sa hindi pagdedeklara ng tamang halaga ng ari-arian sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN). Idinagdag ni Santiago na may nakuha siyang impormasyon tungkol sa kapalit na pabor para sa boto laban kay Corona. Taun-taon, ang bawat senador ay pinagkakalooban ng PDAF na aabot sa P120 milyon. Hindi naman bababa sa P70 milyon ang PDAF ng bawat kongresista. Ang PDAF ay pondo ng mga mambabatas para sa kanilang mga proyekto. Ipalalabas ang pondo sa mga kinauukulang ahensiya na mamamahala sa implementasyon ng proyekto. Pero paliwanag ni Abad, pantay-pantay ang pagkakaloob nila ng PDAF sa lahat ng mambabatas, anuman ang maging partido nito o posisyon sa kaso ni Corona. Katunayan, ngayong taon ay 12 senador na umano ang nakakuha ng kanilang PDAF, kabilang na sina Santiago at Sen Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr., na parehong bumoto para pawalang-sala si Corona. Pito naman sa walo pang senador na wala pang naipapalabas na PDAF ay bumoto ng guilty kay Corona. Tungkol sa hinala na may kumikita sa PDAF sa paraan ng komisyon, naghamon si Abad na maglabas ng katibayan at kasuhan sa Office of the Ombudsman ang mga nasasangkot. -- FRJimenez, GMA News