Dolphin na nakalunok ng kawil, pumanaw na
Nabigo ang mga beterinaryo na maisalba ang buhay ng dolphin na nakalunok ng kawil o fishing hook na natagpuan sa Cabangan, Zambales nitong Huwebes. Sa ulat ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Sabado, sinabing sinubukan ng mga beterinaryo na tanggalin ang kawil na nalunok ng rough-toothed dolphin pero masyado umanong malalim ang pagkakabaon nito sa laman-loob ng hayop. Nitong Biyernes, isinailalim pa sa x-ray ang dolphin para makita kung gaano kalalim ang pagkakabaon ng kawil at mapag-aralan kung papaano ito maalis. Sa kanyang pagkamatay, isasailalim ang mga labi ng dolphin na pinangalanang “Kawil" sa necropsy para malaman ang sanhi ng kanyang pagkamatay. Inihahanda na rin ang kanyang paglilibingan sa Wildlife In Need sa loob ng Subic Freeport Zone. -- FRJimenez, GMA News