VP Binay, rerespetuhin ang magiging desisyon ni Pimentel kapag umalis sa UNA
Inihayag ni Vice President Binay nitong Martes na rerespetuhin niya kung magdesisyon man si Senator Aquilino "Koko" Pimentel III na iwan ang United Nationalist Alliance (UNA) dahil sa sigalot niya kay dating Senator Juan Miguel Zubiri. "Desisyon niya ‘yon and we respect kung ano ang magiging desisyon niya," ayon kay Binay nang makapanayam ng media sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Luneta Park nitong Martes. "Pero sa ngayon kasama pa rin siya [Pimentel] sa UNA at hihintayin namin ang desisyon niya bago kami mag-usap sa UNA," dagdag ng opisyal. Nabuo ang UNA sa pagsasanib ng Pwersa ng Masang Pilipino ni dating Pangulong Joseph Estrada at Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ni Binay. Una rito, nagpahiwatig si Pimentel sa posible siyang umalis sa UNA dahil sa naging desisyon ng koalisyon na isama sa kanilang senatorial bets si Zubiri sa darating na 2013 polls. Inakusahan ni Pimentel si Zubiri na may nalalaman sa naganap na dayaan noong 2007 elections sa Mindanao. Si Zubiri ang naging ika-12 at huling nanalong senador sa naturang halalan habang nasa pang-13 puwesto naman si Pimentel. Bagaman aminadong nakinabang sa dayaan, itinanggi naman ni Zubiri na may kinalaman siya dito. Nagbitiw siya bilang senador noong 2011 at pumalit sa kanya si Pimentel. Nitong Lunes, pormal na inihayag ng UNA na kasama si Zubiri sa kanilang senatorial slate bilang bahagi ng PMP ni Estrada. "Si Senador Migz ay PMP at ang UNA ay hindi naman PDP-Laban lang. Koalisyon ito at may collective leadership na nagdedesisyon," paliwanag ni Binay. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News