ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima, hindi interesado sa puwestong iniwan ni Corona


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi umano interesado si Justice Secretary Leila de Lima na makuha ang binakanteng puwesto ng pinatalsik na si dating Supreme Court chief justice Renato Corona. Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ng kalihim na hindi bagay ang kanyang personalidad sa pagiging mahistrado. "A chief justice is passive, seldom seen, seldom heard, only read. Can you imagine Leila de Lima seldom seen and seldom heard?" ayon kay De Lima. "Although I can always adjust to any environment or atmosphere," dagdag niya. Bagong naging kalihim ng DOJ, nagsilbi bilang dating election lawyer at chairperson ng Commission on Human Rights si De Lima. "[But] personally, I'm not really interested. Ganoon naman kasi ako kahit sa mga dati kong positions. I was also personally not interested," pahayag niya. Ikinukonsidera ni De Lima na bagong mundo ang pagpasok sa hudikatura. "I'm not used to being in a collegial body. And my personality, I don't know kung bagay ako doon," patuloy niya. Nitong Lunes, inirekomenda ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si De Lima sa Judicial Bar and Council (JBC) para makasama sa listahan ng mga pagpipilian na papalit kay Corona. Naghain din ng hiwalay na nominasyon para kay De Lima si assistant commissioner Rogelio Limare ng Civil Service Commission at ang Integrated Bar of the Philippines (IBP-Zambales Chapter). Bago niya tanggapin ang nominasyon, sinabi ni De Lima na kailangan muna niyang sumailalim sa "deep reflection" para mapag-isipan kung kakayanin niyang pamunuan ang isang mahalagang institusyon. Samantala, ayaw namang bigyan ni De Lima ng ibang kahulugan ang naging pahayag ng kapwa niya nominado na si Internal Revenue chief Kim Henares, na mayroon siyang "advantage" sa ibang mga nominado. "[But] that's her own insights if she said it... Maybe baka iyon lang ang naging impression ng nag-interview sa kanya," pahayag ng kalihim. Sina De Lima at Henares ay kapwa tumestigo sa impeachment trial ni Corona sa Senado. Mula nang bakantehin ni Corona ang kanyang puwesto, mayroong 90 araw o tatlong buwan si Pangulong Benigno Aquino III para pumili at maghirang ng bagong punong mahistrado mula sa shortlist na isusumite ng JBC. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News