Kongresista ng party-list group na 1-UTAK, nagbitiw
Nagbitiw sa posisyon ang kinatawan ng party-list group na United Transport Koalisyon (1-UTAK) sa Kamara de Representantes para umanib sa ibang grupo. Sa panayam ng GMA News Online nitong Miyerkules, kinumpirma ni Rep. Homer Mercado na tinanggap na ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang kanyang pagbibitiw bilang kinatawan 1-UTAK. Si Mercado ay papalitan ni Zanaida Maranan bilang kinatawan ng 1-UTAK sa Kamara. Si Maranan ang pangulo ng transport group na Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap). Mula sa 1-UTAK, lumipat si Mercado sa grupong Joint Alliance of Marginalized Groups (1-JAMG), na sasali rin sa party-list elections sa susunod na taon. “Siguro more of advocacy ang dahilan kung bakit ako nag-resign. Mas gusto ko ‘yung advocacy for agriculture nitong 1-JAMG," paliwanag ng nagbitiw na kongresista. “Pag-ikot ko sa bansa noong congressman pa ako, nakita ko ang paghihirap ng mga magsasaka at ng mga mangingisda… Sila yung mas nangangailangan," dagdag niya. Nakasaad sa Comelec Resolution 9366 na, “any selected party-list representative who changes his political party or sectoral affiliation during his term of office shall forfeit his seat." Ipinaliwanag naman ni Mercado kung papaano siya makatutulong sa mga magsasaka at manggagawa sa agrikultura kahit dati siyang kinatawan ng sektor ng transportasyon. “As a mechanical engineer, makakatulong ako in the development of farm facilities. Mahalaga rin ito para sa mga magsasaka," pahayag niya. Gayunman, itinuturing “sugal" ang paglipat ni Mercado sa 1-JAMG dahil hindi pa nagpapalabas ng desisyon ang Commission on Elections (Comelec) sa listahan ng mga party-list group na maaaring sumabak sa 2013 elections. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News