Oposisyon, umalma sa paglilipat daw ng pondong inilaan sa solar power project
Binatikos ng oposisyon sa Kamara de Representantes ang umano’y utos ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na gamitin sa pagbili ng electric tricycles at electric appliances ang pondo na unang inilaan sa solar power project. Ayon kay Siquijor Rep. Orlando Fua, kasapi ng House Committee on Appropriations, hindi katanggap-tanggap ang ginawang paglilipat ng ilang bilyong pisong pondo dahil importante sa mga mamamayan ng Mindanao ang solar power project bunga na rin ng mga nagaganap na blackout sa rehiyon. Batay umano sa impormasyong ibinigay ni Pete Maniego, board chairman ng National Renewable Energy Board, si Aquino mismo ang nagbigay ng direktiba na gamitin sa pagbili ng mga e-Trike at appliances ang pondong inilaan sa solar power project. Sinabi ni Fua na maghahain siya ng resolusyon para paimbestigahan ang naturang paglilipat ng pondo. Dapat umanong ipaliwanag ng mga opisyal ng kinauukulang ahensiya kung bakit kailangang ilipat ang paggagamitan ng pondo. Suportado naman ni House Minority Leader Rep. Danilo Suarez (Quezon), ang gagawing pagpapaimbestiga sa naturang usapin na ikinagulat niya. Mahalaga rin umanong malaman kung papaano nailipat sa e-Trike project ang pondo na para sa solar power project, na nailatag sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Nangangamba naman si Zambales Rep. Milagros Magsaysay, kasapi ng House Committee on Energy, na baka gamitin lamang upang makakuha ng suporta sa eleksiyon ang ipamumudmod na mga tricycle at appliances. “It would have been better if the administration used it for the solar project as it will benefit more people," aniya. “The E-trike and e-appliances will benefit only a handful and may possibly used for vote-getting for the 2013 elections." - RP/FRJ, GMA News