GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Kapuso child wonder Jillian Ward, may tips sa bagong Little Miss Philippines na si Ryza Mae Dizon

June 14, 2012 4:35pm

Labis ang pasasalamat ng Kapuso child wonder na si Jillian Ward sa mga sumusubaybay sa kanyang bagong primetime soap na Luna Blanca.

Ang Luna Blanca ang kauna-unahang multi-generation fantasy drama sa Philippine television na napapanood pagkatapos ng 24 Oras. Kasama ni Jillian sa nabanggit na soap si Mona Louise Rae.

"Nagpapasalamat po ako sa kanila dahil lagi po silang nanonood ng Luna Blanca," masayang pahayag ni Jillian sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute nitong Miyerkules.

Naaliw naman si Jillian habang pinapanood ang panayam ng 24 Oras sa bagong Little Miss Philippines ng Eat Bulaga! na si Ryza Mae Dizon.

Sa naturang interview din, naikuwento ni Ryza na isa si Jillian sa mga iniidolo niya pagdating sa pag-arte.

Nang matanong noon kung sino ang mga artista na nais niyang makatrabaho, sina Jillian at Vic Sotto ang isinagot ni Ryza.

Kwento naman ni Jillian, nagkita na rin sila minsan ni Ryza Mae sa Eat Bulaga!

"Nakita ko po siya noon sa Eat Bulaga, sabi niya (Ryza), 'Di ba ikaw si Luna? Pero bakit hindi ka maitim,' sabi niya po," patungkol ni Jillian sa karakter niyang maitim sa Luna Blanca.

At nang hingan siya ng tips para kay Ryza Mae, sabi ni Jillian: "Galingan niya pong umakting. At saka sana parati siyang magpakabait, at saka sana po lagi niyang galingan at magdasal po siya tuwing gabi." - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News


Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus