Dalagitang nakipag-‘eyeball,’ hinalay daw ng ka-textmate
Isang 22-anyos na lalaki ang dinakip matapos ireklamo ng panggagahasa ng isang menor de-edad na babae na kanyang kinatagpo makaraang maging ka-textmate sa loob ng isang buwan. Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ikinuwento ng 15-anyos na biktima, residente ng Tondo, Maynila, sa kanyang sinumpaang salaysay na nakilala niya ang suspek na si Roberto Dulay sa pamamagitan ng text. Pagkaraan ng isang buwan, nakipagkita umano ang biktima nitong Lunes kay Dulay. Subalit ang inakalang simpleng pagkikita ay nauwi sa kapahamakan. Ayon kay Supt. Ricardo Mariano, Station Commander ng MPD 7, isinakay umano ng suspek ang biktima sa jeep at dinala sa Meycauayan, Bulacan kung saan dalawang ulit daw na ginahasa ang dalagita. Kinabukasan (Martes), inihatid ni Dulay ang biktima sa bahay nito sa Tondo. Kaagad namang ipinaalam ng dalagita sa kanyang mga magulang ang nangyari sa kanya. Gamit ang cellphone ng biktima, tinawagan nila ang suspek at pinabalik sa Tondo. Lingid sa kaalaman nito, nakaabang na sa kanya ang mga kagawad ng barangay kaya siya nadakip. Mariin namang pinabulaanan ni Dulay ang alegasyon laban sa kanya. Sinabi nito na may relasyon sila ng dalagita at isinama niya ito sa kanyang bahay para ipakilala sa mga magulang. Dahil sa insidente, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na huwag basta magtitiwala sa kanilang nakikilala sa pamamagitan ng text at mga social networking site. -- FRJimenez, GMA News