GMA News Online Public Affairs » Imbestigador

Imbestigador

Pasaway na botika sa 'Imbestigador'

June 15, 2012 2:55pm
IMBESTIGADOR
Airing date: June 16, 2012
 
PASAWAY NA BOTIKA
 
Sina Lolo at Lola, hirap na ngang makabili ng murang gamot, pero dinadaya pa umano ng ilang pasaway na botika!
 
Tatlong botika sa Sta. Maria, Bulacan ang binisita ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines at Imbestigador. Dito napag-alaman na hindi nagbibigay ng 20% discount sa gamot ng mga senior citizen ang mga botika. At nang mabisto ito ng Imbestigador gamit ang aming surveillance camera, kanya kanyang palusot na ang mga may ari ng botika. Lugi raw sila dahil maliit na botika lamang sila.
 
Kaya naman agad ipinaliwanag sa kanila ng ahensya ang batas ng Expanded Senior Citizens Act of 2010 at ayon mismo kay DSWD Secretary Dinky Soliman, walang botika ang exempted sa pagbibigay ng 20% discount sa mga kailangang gamot ng mga senior citizen.
 
BINUGAW NA KAMUSMUSAN
 
Dumulog sa Imbestigador Sumbungan ng Bayan ang isang dalagita na diumano'y biktima ng prostitusyon. Naibugaw diumano sa unang pagkakataon ang labing anim na taong gulang na si Jenny, hindi tunay na pangalan, kapalit ang tatlumpung libong piso. Aniya, ang grupo ng isang nagngangalang “Rex” ang lumilibot sa kanilang baranggay sa Rizal upang mag-recruit ng mga menor de edad na babae.
 
Tinatayang mula tatlumpung libong piso hanggang limampung libong piso raw ang halaga ng bawat batang babae na maipapasa nila sa mga customer na naghahanap ng panandaliang aliw.
 
Kaya naman sa napipintong muling pagkikita nina “Jenny” at “Rex”, ikinasa ang isang rescue operation kasama ang NBI-AHTRAD o Anti-Human Trafficking Division at Imbestigador.
 
Maaksyong Sabado ng gabi ang hatid sa inyo ng nangunguna at pinakapinagkakatiwalaang Sumbungan ng Bayan na si Mike Enriquez, Imbestigador pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA 7.



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus