GMA News Online Ulat Filipino » Iloilo

Babaeng nanakit sa GMA reporter sa Iloilo, hinatulang guilty sa kasong slight physical injuries

June 15, 2012 10:14pm

Hinatulan ng korte na guilty ang isang babae na nanakit ng reporter ng GMA-Iloilo noong 2008.

Sa ulat ng GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon, sinabing pinagbabayad ng korte si Andrea Gorriceta ng P700,000 bilang danyos dahil sa pananakit sa GMA-Iloilo reporter na si Charlene Belvis.

Taong 2008 nang sampalin at kaladkarin ni Gorriceta si Belvis habang kinukunan siya ng video.

Gumagawa noon ng report ang GMA reporter tungkol sa aksidente kinasangkutan ng akusado sa Jaro, Iloilo.

Sa naunang ulat tungkol sa nasabing insidente, sinampal at hinatak umano ni Gorriceta sa buhok si Belvis hanggang sa bumagsak ang biktima sa semento.

Sa desisyon ng korte, pinawalang-sala naman si Gorriceta sa kasong slander at oral defamation na isinampa rin ni Belvis.

Wala pang pahayag si Gorriceta tungkol sa nasabing desisyon ng korte. - FRJ, GMA News





We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus