GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Matataas na sasakyan na dadaan sa NLEX, tataasan ng singil sa toll simula sa Hulyo 1

June 19, 2012 5:09pm
Mas mataas na ang babayaran sa toll ng mga sasakyan na may taas na higit sa pitong talampakan na dadaan sa North Luzon Expressway (NLEX) simula sa Hulyo 1.

Ang bagong singil ay ipatutupad ng Tollways Management Corporation (TMC) batay sa napagkasunduan ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) at Toll Regulatory Board (TRB).

Ipinaliwanag ni Bobby Bontia, vice president ng TMC tollways operation, na ang mga sasakyang may dalawang axle at may taas na higit sa pitong talampakan ay isasama na sa kategoryang class two.

Noon pa umano dapat ipinatupad ang kasunduan pero ipinagpaliban ito nang hawakan ng MNTC at TMC ang pamamahala sa NLEX noong 2005.

Ang mga sasakyang nasa kategoryang class one ay sinisingil ng P45 sa pagpasok sa NLEX, habang P114 naman sa class two.

Ayon kay Bontia, sinimulan nila noong nakaraang buwan ang pamamahagi ng impormasyon sa mga motoristang dumadaan sa NLEX tungkol sa bagong patakaran sa mas malalaking sasakyan.

“Tuloy na ang pagbabago ng singil sa July 1," pagtiyak ng opisyal.

Ang naturang bagong singil ay nauna na umanong ipinatupad sa South Luzon Expressway (SLEX).

Kasabay nito, ipinaalam ni Bontia na malapit ng buksan ng bagong gawang Bocaue Interchange sa northbound ng NLEX.

Katulad ng interchange sa southbound ng Bocaue, ang bagong interchange ay magkakaroon ng tatlong toll booth. -- RR/FRJ, GMA News


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement