GMA News Online Showbiz » Chika Minute

Singer-songwriter Cynthia Alexander, hangad na makilala ang Pinoy music sa abroad

June 19, 2012 11:50pm
Lilipad na patungong Amerika sa Hunyo 27 ang singer at songwriter na si Cynthia Alexander upang ipagpatuloy doon ang karera niya sa musika.

Sa mala-tula niyang mga awitin, sinasariwa ni Cynthia ang kanyang pagiging Pinoy. Bukod dito, hinangaan at umani ng mga parangal ang singer-songwriter.

Hindi naman daw tuluyang iiwan ni Cynthia ang Pilipinas. Sa katunayan, pagpapayabong sa musikang sinimulan niya rito ang gagawin niya sa Amerika.

Isa si Cynthia sa mga pinagkalooban ng artist visa ng Estados Unidos, na bihirang ibigay umano ng naturang bansa, ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa Saksi nitong Lunes.


Laking pasasalamat naman ni Cynthia sa rekomendasyon at suporta sa kanya ng Cultural Center of the Philippines at National Commission on Culture and the Arts.

"I decided to go to the US to relocate because I feel that I'm ready for change, at 'yong challenge ng bringing my music, bringing Filipino music, and championing our music elsewhere," paliwanag niya.

Mananatili raw buhay sa kanya at sa kanyang musika ang pagiging Filipino. Bahagi ng kanyang layunin sa paglipat sa US na makilala sa international music scene ang mga musikang Pinoy o OPM songs.

Aminado naman siya na kulang pa ang suportang ibinibigay ng mga Pilipino sa OPM.

"I do not have the support of a label. I've always been independent. I do not have the support of the radio, because perhaps, ang radio stations natin hindi 'yon yung music format nila," pahayag niya.

"Ang Pinoy music ay napakayaman. The only thing here is, like a plant or like a seed, it has to be taken care of," dagdag ni Cynthia.

Suportado naman ito ng ilang haligi ng musikang Filipino tulad ng music maetro na sina Ryan Cayabyab at Jim Paredes.

Ayon kay Ryan, "All musicians go through it. Go to the process of trying to look for new places to express themselves. We also did try to migrate once, 'no, but we returned and said this is where the home is [and] this is where my heart is."

Pahayag naman ni Jim, "My hope is, Cynthia is such a great talent, that she will bring all of her experiences which happened during the Philippines and we'll make it universal."

Mananatili si Cynthia sa Seattle, Washington na itinuturing music capital sa Amerika. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News


advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement