GMA News Online Ulat Filipino » Cebu

Annabelle Rama, nakipagkita sa ilang barangay officials sa Cebu City

June 20, 2012 7:14pm
Lalong umugong ang balitang tatakbong kongresista sa isang distrito sa Cebu ang kontrobersiyal na talent manager na si Annabelle Rama dahil sa ginawang pakikipagkita nito sa ilang opisyal ng barangay sa lalawigan.

Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing kasama ni Annabelle na humarap sa ilang kapitan at opisyal ng tatlong barangay sa Cebu City sina Mayor Mike Rama at San Nicolas barangay chairman George Rama.

Si Mayor Rama ay pinsan ni Annabelle, habang kapatid niya si chairman Rama.



Suportado umano ni Mayor Rama ang kanyang pinsan sakaling magdesisyon ito na pasukin ang pulitika. Pero ang kanyang kapatid na si chairman Rama ay atubiling hikayatin ang talent manager na tumakbo sa 2013 elections.

Paglilinaw naman ni Annabelle, walang kinalaman sa pulitika at eleksyon ang pakikipagkita niya sa mga barangay officials.

Nais lang umano niyang magpasalamat sa poong Sto Niño dahil binawi ng korte sa Quezon City ang warrant arrest na ipinalabas sa kanya kaugnay sa kinakaharap niyang libel case.

Sa ngayon, wala pa rin siyang desisyon kung papasukin ang pulitika pero ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa suportang ibinibigay sa kanya ng mga Cebuano. - FRJ, GMA News


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement