Pacquiao, hindi na nagulat sa resulta ng WBO review
Inihayag ni Manny Pacquiao na hindi na siya nasorpresa sa ressulta ng ginawang review ng World Boxing Organization, kung saan binigyan siya ng limang international na hurado ng unanimous victory sa laban niya kay Timothy Bradley kamakailan. "Hindi na ako nagulat dahil alam na natin sa puso natin kung sino ang nanalo," ani Pacquaio sa panayam ng 'News To Go' ng GMA News TV. Kasalakuyang nasa probinsya ng Sarangani si Pacquaio upang tumulong sa kanyang mga kababayang nabiktma ng pagbaha doon noong nakaraang linggo. Base sa isinagawang review sa match tape, nanalo si Pacquiao sa puntos na 117-111, 117-111, 118-110, 116-112, and 115-113. Sa kanilang orihinal na laban noong Hunyo 9 (Hunyo 10, PHL time), ipinanalo ng ringside judges si Bradley sa isang split-decision win, sa puntos na 115-113, 115-113, 113-115. Sa kabila nito, hindi pa rin mapipilit ng WBO si Bradley na isuko ang titulo. Ayon kay president Francisco Valcarcel, "the only thing we [the WBO] can do is authorize a rematch. We cannot go any further than that." Ayon naman kay Pacquiao, handa siyang lumaban sa rematch upang "makita ng mga tao [na ako ang nanalo]," ngunit desisyon pa rin umano ng kanyang promoter na si Bob Arum ng Top Rank, na humahawak sa kanya at kay Bradley, kung itutuloy ang rematch. Sa ngayon, ayon kay Pacquiao, wala siyang negatibong masasabi sa dalawang hurado na pumabor kay Bradley, na sina CJ Ross at Duane Ford. Hahayaan na lamang umano niya ang Nevada State Athletic Commission na mag-imbestiga. Ngunit sa kabila nito, umaasa pa rin siyang hindi na maulit ang nangyari. Sa hiwalay naman na interview ng dzBB, inihayag ni Pacquiao na mas nais niyang mabakante ang WBO welterweight title at hindi niya tatanggaping muli ang kanyang belt kahit na ialok pa ito ni Bradley. "Kung ibigay naman nina [Bradley], hindi ko naman tatanggapin. Baka isipin ng tao inaagaw ko ang belt.... Kung ibibigay ni Bradley, mas maganda kung ibakante na lang ang title, wala nang champion diyan," ayon sa Filipino boxing icon. Sa ngayon, hiniling ni Pac-man sa kanyang fans at mga tagasuporta na tanggapin na lamang ang naging desisyon ng WBO at magpasalamat na lamang. "Pasalamat tayo nagkaroon ng ganyang desisyon. Mahalaga ang dangal natin at totoong nangyari at lumabas din. Huwag sila mag-alala, makukuha rin natin 'yan," aniya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News