Tren vs tricycle: 5 katao ang patay, 8 pa ang sugatan sa CamSur
Lima katao ang nasawi nang salpukin ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang tricycle na may sakay umanong 13 katao sa Iriga City, Camarines Sur nitong Biyernes. Sa ulat ng GMA News TVâs Quick Response Team (QRT), sinabing kabilang sa mga nasawi ang drayber ng tricycle na si Danilo Doroteo. Sugatan naman ang iba pang sakay ng tricycle na karamihan umano ay estudyante. Batay sa nakalap na impormasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng tricycle na posibleng nais na unahan ang tren sa pagtawid sa riles. Maaari umanong umiwas ang tricycle na dumaan sa main road dahil sa overloaded ito sa pasahero at piniling dumaan sa San Agustin at San Isidro crossing. Pero ayon kay Constancio Toledano, operation manager ng PNR Naga, ilegal ang San Agustin at San Isidro crossing dahil ginawa ito nang walang pahintulot ng ahensiya. Nakita rin umano ng train engineer ang paparating na tricycle at kaagad itong gumamit ng brake. Subalit dahil sa momentum ng sasakyan ay hindi kaagad na napahinto ang tren hanggang sa nahagip ang tricycle. Ikinalungkot din ng PNR ang pinakabagong aksidente na kinasangkutan ng kanilang tren. Kasabay nito ang muli nilang paalala sa publiko na maging maingat at mapagmatyag kapag dumadaan sa railway crossing. -FRJ, GMA News