GMA News Online Showbiz » Chika Minute » Dolphy

Nova Villa, emosyunal sa pagbisita kay Dolphy; may hinanakit sa sarili sa 'di pagdalaw noon sa aktor

June 23, 2012 4:00pm
Matapos ang mahabang biyahe mula sa Amerika, dumating sa bansa nitong Sabado ng umaga ang veteran actress-comedienne na si Nova Villa. Kaagad siyang dumiretso sa Makati Medical Center para bisitahin ang kaibigang si Dolphy.

Kuwento ni Nova kay showbiz reporter Cata Tibayan, kalat maging sa Amerika ang masamang kalagayan ng kalusugan ng comedy king. Ito umano ang dahilan kaya napaaga ang uwi niya sa Pilipinas para makita ang kanyang kabigan.

Nagulat din umano siya nang habang nasa Amerika ay may magpaabot sa kanya ng mensahe para kay Dolphy na ipinagdarasal ng kanyang pamilya ang paggaling ng aktor.



Kaya naman naniniwala si Nova na maraming nagmamahal sa aktor maging sa ibang lugar. Nagkasama sila ni Dolphy ng may isang dekada sa sikat noon na TV sitcom na "Home Along the Riles."

Gayunman, may nararamdamang hinanakit sa sarili si Nova dahil noon pa man ay nabalitaan niya na matagal na siyang hinahanap ni Dolphy pero hindi niya ito nadadalaw.

“Si Azon (karakter ni Nova sa Home Along…) sabi niya (Dolphy) ‘di ko na nakikita," emosyunal na kwento ni Nova sa GMA News TV’s Balitanghali nitong Sabado.

“Hindi ako nakakadalaw because ang hectic talaga ng schedule ko. Tsaka wala naman siya sa ospital nun nasa bahay lang. Pero ngayon I feel bad kasi hindi ko siya nadadalaw noon," naluluha niyang pahayag.



Mula sa viewing area, nakita umano ni Nova na ngumiti at tumaas ang kilay ni Dolphy nang ipaalam na nandoon siya.

Gaya ng mga kuwento ng ibang nakatrabaho ni Dolphy, sinabi ni Nova na madaling mapalapit sa puso ang komedyante dahil bukod sa mahusay itong magpatawa at maalalahanin, mapagpakumbaba rin umano ito. - FRJimenez, GMA News


advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement