ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dolphy, matulungin at galante, ayon sa kanyang dating 'Angels'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maraming taon na ang nakalipas pero hindi pa rin nakalilimutan ng tinaguriang mga “Angels" ni Dolphy ang pagiging matulungin at galante ng nag-iisang Comedy King. Ang 'Dolphy's Angels' na sumikat sa pelikula noong 1980 ay kinabibilangan ng mga baguhang artista noon na sina Carmi Martin, Liz Alindogan, Anna Marie Gutierrez, at Yehlen Catral. "Parang we were so lucky na pagpasok namin, hari na ng komedya ang kasama mo," pahayag ni Carmi sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Lunes. Dahil teenager pa noon sina Carmi at Liz, mistulang ama raw ang turing nila sa comedy king. Ang beteranong aktor daw ang gumagabay sa kanila, hindi lang sa buhay kung hindi pati na rin sa kanilang trabaho. Kwento pa nina Carmi at Liz, mabuting tao at mapagbigay daw ang kanilang tatay sa showbiz. Sabay na dumalaw ang dalawa sa ospital kamakailan kung saan naka-confine ang comedy king. Nahihirapan daw silang tanggapin ang pinagdaraanan ngayon ng aktor. "Nakita ko siya, nasa ICU, eh. So ang daming nakasaksak na machines, tapos parang binubulong sa kanya, 'Oh, nandiyan na ang mga angels mo.' Tapos nag-pray over kami," kwento ni Carmi. Ayon naman kay Liz, "Although alam natin na talagang ipinagdarasal siya ng buong sambayanan, at ang miracle naman kung si Lord naman ang gumawa noon, eh, anything can happen. So, 'yon, patuloy lang tayong magdasal." Masaya nilang inalala ang panahon na isinasama sila ni Dolphy sa restaurant para kumain matapos ang shooting. At nakakatuwaan daw nila na abangan ang iiwanang malaking “tip" ng beteranong aktor na kilala sa pagiging galante. Sa mga naunang panayam, sinabi ni Eric Quizon, anak ni Dolphy, na sadyang mahilig sa pagkain ang kanyang ama.-- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News