GMA News Online Ulat Filipino » Cebu

Cebu dancing inmates, inspirasyon daw sa isang musical play sa New York, USA

June 26, 2012 8:58pm

Tags: Cebu City
Panibagong karangalan ang hatid ng Internet sensation na “Cebu Dancing Inmates" matapos na maging inspirasyon daw ang mga ito sa isang stage play na ipalalabas sa New York, USA.

Sa ulat ni Jaymee Santos sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabi nito na puspusan ngayon ang pag-eensayo ng ilang inmates sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center.

Nais daw kasing matiyak ng grupo na sabay-sabay ang kanilang galaw sa pagsayaw. Bagaman, panibagong hamon ang pagbuo ng sayaw, ganado raw sila dahil na rin sa ipalalabas na musical play sa Amerika.



Malaking karangalan daw sa mga bilanggo sa nasabing piitan na sila ang naging inspirasyon sa pagbuo ng musical play na may titulong “Prison Dancer" na nakatakdang ipalabas sa New York.

Naunang sumikat ang “Cebu Dancing Inmates" dahil sa pagsayaw nila sa awitin ni Michael Jackson at napanood ng milyon-milyong tao sa YouTube.

Sa pamamagitan daw kasi ng sayaw, napapabuti ang kanilang pamamalagi sa loob ng piitan. - FRJ, GMA News

Tags: Cebu City